BUDAPEST, Hungary (AP) — Tatlong Olympic weightlifting champion mula sa China at walong iba pang medalist sa 2008 Beijing Olympics ang napipintong bawian ng medalya matapos magpositobo ang doping samples sa isinasagawang re-testing.
Ayon sa International Weightlifting Federation, ang pagkakatuklas sa 11 kumpirmadong positibo sa performance-enhancing drugs ay panibagong iskandalo sa international sports.
Ilang kaso na ang kasalukuyang iniimbestigahan matapos ang re-testing ng mga doping samples mula sa 2008 at 2012 London Games, gamit ang pinakabago at ultra-modern na makina ng World Anti-Doping Agency (WADA).
Kinilala ng IWF sa opisyal na pahayag nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila) ang babawian ng titulo na sina Cao Lei, Liu Chunhong, at Chen Xiexia. Positibo ang dalawa sa GHRP-2, isang uri ng gamot na nagpapabilis ng pagdami ng growth hormone, habang si Liu ay positibo sa ipinagbabawal na ‘sibutramine’.
Kabilang sa walong medalist na masususpinde ay sina world record holder Andrei Rybakou ng Belarus, nagwagi ng silver sa 2008 Beijing Games. Lahat ay positibo sa iba’t ibang anabolic steroids, ayon sa IWF.
Ang iba pang medalist ay sina Anastasia Novikova ng Belarus, Maria Grabovetskaya at Irina Nekrasova ng Kazakhstan Khadzhimurat Akkaev at Dmitry Lapikov ng Russia at Natalya Davydova at Olha Korobka ng Ukraine.
Apat pang lifters, kabilang sina Maiya Maneza ng Kazakhstan at Iryna Kulesha ng Belarus, na sumabak sa Beijing Games, ngunit hindi nagwagi ng medalya ang nagpositibo rin sa ipinagbabawal na droga.