Dalawang miyembro ng Manila Traffic Parking Bureau (MTPB) ang inaresto nang tangkain umanong kotongan ang sekretarya ng isang kumpanya sa Ermita, Maynila nitong Martes.

Inihahanda na ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang kasong robbery extortion laban sa mga suspek na sina Reneo Buan, 27, ng 1688 Antonio Rivera Street, Tondo, Maynila, at Lawrence Bindoy, 36, ng 2732 R. Fernandez St., Gagalangin, Tondo.

Ang pagdakip sa dalawa ay bunsod ng inihaing reklamo ni Joanna Marie Ganir, 26, secretary at residente ng 14-B Golden Gate, Talon Village, Las Piñas City.

Minamaneho umano ni Fruscuro Alegado, company driver, ang Elf truck na pag-aari ng kumpanyang pinaglilingkuran ni Ganir, nang sitahin sila ng dalawang suspek dahil umano sa “swerving” at “No authorization of yellow plate from LTFRB.”

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Pinakiusapan umano ni Ganir ang mga suspek na huwag nang i-impound ang kanilang sasakyan dahil kumpleto naman ang kanilang papeles ngunit hiningan umano sila ng mga suspek ng P7,000.

Tumawad naman si Ganir hanggang sa magkasundo ang magkabilang panig sa halagang P2,500.

Nagpaalam si Ganir sa mga suspek at nagkunwaring magwi-withdraw ng pera ngunit dumiretso ito sa MPD-GAIS at nagreklamo.

Kaagad namang inatasan ni Police chief Ins. Arsenio Manuel Riparip, hepe ng MPD-GAIS, ang kanyang mga tauhan na ikasa ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek. (Mary Ann Santiago)