Patay ang magkapatid habang sugatan naman ang isang babae matapos tumalon mula sa ikatlong palapag ng nasusunog na bahay sa Las Piñas City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga namatay na biktima na sina Eunice, 2, at si Princess Nicole, 1, na kapwa himbing sa pagkakatulog nang magsimulang kumalat ang apoy.
Sa inisyal na ulat ng Las Piñas City Fire Department, dakong 12:30 ng madaling araw sumiklab ang apoy sa loob ng bahay ng mag-asawang Richard Palmones at Roselyn Binegla, magulang nina Eunice at Princess, sa Everlasting Street, Medina Compound, Barangay Talon 4 ng nasabing lungsod.
Nasa trabaho umano si Richard at wala naman sa bahay ang kanyang misis at naiwan ang kanilang mga anak sa bahay.
Nabatid na walang kuryente sa bahay ng mga biktima kaya’t sa kandila lamang sila umaasa na posible umanong naging sanhi ng sunog na umabot sa ikatlong alarma.
Kabuuang 40 pamilya ang nawalan ng tirahan at tinatayang aabot sa P300,000 halaga ng ari-arian ang natupok ng apoy.
(BELLA GAMOTEA)