Arestado ang dalawang babae matapos umanong mabisto sa ipadadalang package na naglalaman ng shabu na inihalo sa grocery items sa Muntinlupa City, kahapon ng umaga.
Nasa kustodiya ng pulisya ang suspek na si Sally Labios Gonowon, nasa hustong gulang, ng Phase 1 Block 4, Barangay Bayanan ng nasabing lungsod, at kasama nitong si Jessica Bautista Braganza.
Sa ulat na natanggap ni Southern Police District–Public Information Office (SPD-PIO) chief Supt. Jenny Tecson kay Muntinlupa City Police chief Sr. Supt. Nicholas Salvador, dakong 9:30 ng umaga nakatanggap ng tawag ang pulisya mula sa LBC Bayanan branch, National Road Bgy. Bayanan kaugnay sa pagkakatagpo sa kahina-hinalang ilegal na droga sa package na ipadadala sana ni Gonowon sa Davao del Norte.
Agad umanong nagtungo ang mga pulis sa naturang sangay ng LBC at ipinakita ng empleyado ng nasabing tanggapan ang hinihinalang shabu na may bigat na 20 gramo.
Sa salaysay ng dalawang suspek, lumitaw na ang tiyuhin ni Braganza na kinilalang si Abie Bautista Escamos, alyas “Nognog”, ang nag-utos sa kanilang ipadala ang package sa Davao.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga awtoridad laban kay Escamos. (Bella Gamotea)