GENEVA (AP) — Taliwas sa naging desisyon sa Team Russia, pinatawan ng total ban ang Paralympic team ng Russia para sa gaganaping ParaGames sa Rio de Janeiro sa Setyembre 7-18.

Kinatigan ng Court of Arbitration for Sport nitong Martes ang desisyon ng International Paralympic Committee para sa total ban ng Team Russia.

May kabuuang 267 atleta ang Russian Paralympic team na sasabak sa 18 sports. Ayon sa IPC, ibibigay nila ang slots ng Team Russia sa ibang bansa na wala o kulang ang partisipasyon ng atleta.

Nagwagi ang Russia nang kabuuang 36 gintong medalya sa 2012 Paralympics sa London at overall champion sa 2014 Winter Paralympics.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nag-ugat ang desisyon ng IPC bunsod nang malawakang ‘doping scandal’ sa state-run laboratory ng Russia na isiniwalat ng isang atleta bago ginanap ang Summer Games.

Inirekomenda ng World Anti-Doping Agency ang total ban para sa Team Russia sa Rio Games, ngunit hindi ito pinayagan ng International Olympic Committee (IOC) at ibinigay ang desisyon sa iba’t ibang sports federation.

Nakalahok ang Russia at tumapos na ikaapat sa overall medal standing.

“(The) decision to ban the (Russian team) was made in accordance with the IPC Rules and was proportionate in the circumstances,” pahayag ng CAS.