Mga Laro Bukas
(San Juan Arena)
10 n.u. -- Perpetual vs Mapua
12 n.t. -- Letran vs Benilde
2 n.h. -- Perpetual vs Benilde
4 n.h. -- EAC vs Arellano
Naisalpak ni Allyn Bulanadi ang pull-up jumper may 3.8 segundo sa laro para sandigan ang San Sebastian College sa makapigil-hiningang 72-71 panalo kontra San Beda College sa NCAA Season 92 men’s basketball tournament kahapon sa San Juan Arena.
Nakalamang ang Red Lions sa 71-70 mula sa split free throw ni JV Mocon may 11 segundo ang natitira sa laban.
Pagkatanggap ng bola galing sa inbound, dire-diretsong nagdribble para sa final play si Bulanadi at nang makitang maluwag ang depensa ng karibal ay ibinato ang krusyal na jumper na siyang naging winning margin para sa Stags.
Nagtapos ding topscorer para sa Stags ang Davaoeñong si Bulanadi sa kanyang ipinosteng 16 puntos, anim na rebound, dalawang steal at isang assist kasunod si Alvin Capobres na may 13 puntos at si Michael Cakisaan na may double-double 11 puntos at 10 rebound.
Ito ang ikalawang giant-killing ng San Sebastian para makaangat sa 3-9 karta.
Sa kabila ng kabiguan, nanatili namang nasa ibabaw ng team standings ang Red Lions na may 10-2 marka. Nanguna sa Red Lions si Javee Mocon na may 15 puntos at 10 rebound.
Nauna rito, nakuha pang makalamang ng Red Lions, 58-47 sa pagtatapos ng third period matapos habulin ang Stags na naunang nakontrol ang first half na natapos na may lamang na 37-27.
Ito ang ikalawang sunod na laro na natalo ang San Beda na hindi pa nakakapag adjust sa pagkawala ng na injured na si Cameroonian center Donald Tankoua. (Marivic Awitan)