PARANG ayaw ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na siya ay pinupuna o kinokontra. Nang dahil sa pagsusulat ng dalawang UN rapporteur na sina Agnes Callamard at Dainius Puras tungkol sa sitwasyon ng maramihang pagpatay sa drug pushers at users kaugnay ng drug war ng Duterte administration, galit niyang sinabihan ang UN na kakalas ang Pilipinas sa organisasyon ng may 193 kasaping bansa. 

Hindi ba alam ni Mano Digong na ang Pilipinas ay isa sa founding member ng United Nations Organization (UNO) na itinatag noong 1945? Hindi ba niya alam na si Carlos P. Romulo ang kauna-unahang Pilipino na naging pangulo ng UN?

Hindi basta-basta makakalas ang ‘Pinas sa UN dahil may commitment tayo rito, bukod pa sa katotohanang ang UN ay maraming naitulong sa ating bansa kapag may kalamidad.

Natatandaan ba ninyong una niyang binanatan si US Ambassador Philip Goldberg nang magkomento ito tungkol sa kanyang “sexy joke” sa panahon ng kampanya. Tinawag niya si Goldberg na isang “bayot” o bakla. Nagbanta pa siya noon na lalagutin ang relasyon ng US at PH kapag siya ang naging pangulo.

Pangalawa niyang binanatan si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno nang punahin si Mano Digong hinggil sa pagsasapubliko (public shaming) ng 7 hukom na umano’y sangkot sa ilegal na droga. Nang mahimasmasan si RRD at nawala ang galit kay Sereno, humingi siya ng apology sa Chief Justice na malugod namang tinanggap ito.

Si Sen. Leila de Lima naman ang napagbubuntunan niya ng galit ngayon na nagsimula pa raw noong si Sen. Leila pa ang chairperson ng Human Rights Commission. Nagtungo pa noon si De Lima sa Davao City para siyasatin ang maraming pagpatay ng Davao Death Squad (DDS) na ang nasa likuran daw ay si President Rody na noon ay alkalde ng siyudad.

Nadagdagan pa ang pagkamuhi ni Mano Digong sa babaeng may “yagbols” nang ihayag niya na mag-iimbestiga ang kanyang komite tungkol sa umano’y extrajudicial killings ng mga pulis sa mga ordinaryong drug pusher at user.

Samantala, patuloy sa pagtatanggol sina DFA Sec. Perfecto Yasay, Presidential Spokesman Ernesto Abella, at Communications Sec. Martin Andanar sa banta ni Digong na titiwalag ang bansa sa UN. Hirap na hirap ang tatlo sa pagpapaliwang sa taumbayan tungkol sa isyung ito na nagawa raw ni RRD sa bugso ng galit o pagiging emosyonal niya sapagkat hindi nagugustuhan ang sinusulat at pagtatanong ng dalawang UN rapporteur tungkol sa drug war ng pangulo.

Tanong ng kaibigan kong senior-jogger: “Kung galit siya sa dalawang rapporteur, bakit niya lalahatin ang buong UN?

Dapat ang kinastigo niya ay ang bumabatikos sa kanya, at huwag magbantang aalis ang ‘Pinas sa UN”. Sa pagdedepensa ng tatlong opisyal ni Mano Digong, umapela sila sa mga Pinoy na unawain na lang ang pangulo kapag nagagalit. Akala ba ng mga tao ay magiging “prim and proper” na siya kapag naging pangulo! (Bert de Guzman)