“Ito po. Ito po. Susuko na po ako.”

Pagsusumamo ng isang pedicab driver na isa umanong drug pusher bago siya paputukan nang paulit-ulit ng mga pulis sa isang mainitang engkuwentro sa Pasay City, bago mag-umaga kahapon.

Kinilala ng mga imbestigador na sina PO3 Alberto Barangas Jr. at PO3 Giovanni Arcinue, ng Pasay City Police, ang pedicab driver na si Eric Sison, 26, ng No. 1696 F. Muñoz Street, Barangay 43, Zone 6, na pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga elemento ng Buendia Police Community Precinct (PCP-2).

Base sa inisyal na imbestigasyon, dakong 1:35 ng madaling araw, nagpapatrulya ang apat na police officer ng Buendia PCP sa Tripa de Galina creek sa kahabaan ng F. Munoz St., nang magtatakbo si Sison at isa pang ‘di kilalang lalaki.

Metro

Presyong ₱8k lang! Nanay, arestado sa pagbebenta ng sariling baby

Nang bumaba ang mga pulis sa kanilang sasakyan, pinaputukan umano ni Sison ang mga pulis ngunit bigo siyang matamaan ang mga ito.

Hinabol ng mga pulis si Sison na nagtungo sa loob ng kanyang bahay at tumalon sa bubong ng kanyang kapitbahay.

Nabaril si Sison ng isa sa mga pulis habang ito ay nasa bubong ngunit tila hindi napuruhan at sa halip ay muling tumalon sa loob ng isang tatlong palapag na bahay na pagmamay-ari ng isang Rosalie Delarmente, ayon sa pulis.

Nakiusap umano si Sison sa mga pulis na siya’y susuko na basta’t ‘wag lamang siyang babarilin ngunit pinaputukan pa rin siya ng mga ito na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Sa video na nakalap ng Balita, ipinagkaloob ng isang concerned citizen, mapapanood na pinalalabas ng mga pulis si Sison mula sa bahay ni Delarmente.

Maririnig ang boses ng isang babae na nagsasabing, “Wag muna kayo magpapaputok!” ngunit sumagot ang isa sa mga pulis ng, “Wag kang makialam!”

At isa pang pulis ang sumigaw ng, “Bibilangan kita hanggang tatlo. Kapag hindi ka lumabas d’yan puputukan kita.”

Maririnig din sa video kung paano nakiusap ang lalaki, ipinagpapalagay na boses iyon ni Sison, na huwag siyang babarilin at sinabing, “Ito po, ito po susuko na po ako.”

Ipinagdiinan naman ng mga kaanak ni Sison na hindi siya gumagamit ng ilegal na droga.

Ayon kay Mariel, kapatid ni Sison, hindi gumagamit ng ilegal na droga ang kanyang kapatid.

“Hindi po siya ganun. Mga hayop! Kahit walang kalaban-laban pinapatay lang nila!” emosyonal na pahayag ni Mariel at sinabing walang criminal record ang kanyang kapatid. (MARTIN A. SADONGDONG at BELLA GAMOTEA)