TUNAY na magandang balita ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas, batay sa taya ng Gross Domestic Product (GDP) Growth, ng pitong porsiyento sa ikalawang quarter ng taong ito — Abril hanggang Hunyo. Gayunman, hindi kabanggit-banggit ang obserbasyon na hindi naging inclusive ang paglagong ito, na ang mas mataas na GDP ay hindi nararamdaman ng karamihan ng mga Pilipino na walang ginhawang nararanasan sa buhay.
Ang pitong porsiyentong quarterly rise — kumpara sa 5.9 na porsiyento sa kaparehong panahon noong nakaraang taon — ay maiuugnay sa malawakang paggastos sa kampanya para sa huling halalan sa bansa. At ngayong tapos na ang paggastos na may kinalaman sa eleksiyon at nagbalik na tayo sa karaniwang sitwasyon ng ekonomiya, asahan na rin natin na magbabalik na rin sa normal ang pagtaas ng GDP sa natitirang mga buwan ng taon.
Ngunit sa ngayon, maipagmamalaki natin na sa ikalawang quarter ng taon ay pinakamalaki ang naging pag-alagwa ng ekonomiya ng Pilipinas sa lahat ng bansa sa Asya, kasama na ang India na mayroon ding pitong porsiyento. Ang China ay may 6.7 percent; Vietnam, 5.6 percent; Indonesia, 5.2 percent; Malaysia, 4 percent; at Thailand, 3.5 percent. Kung ikukumpara, mas mababa pa ang naitalang paglago ng GDP ng pinakamalalaking ekonomiya sa mundo—ang United Kingdom, 2.2 percent; Singapore, 2.1 percent; United States, 1.2 percent; at Japan, 0.2 percent.
Saklaw ng pitong porsiyentong GDP ng Pilipinas ang huling tatlong buwan ng administrasyong Aquino. “The previous administration gave us a strong and stable economy that we can build on further by maintaining the sound macro-economic, fiscal, and monetary policies already in place,” sinabi ni bagong Socio-Economic Planning Secretary Ernesto M. Pernia.
Ang hamon ngayon ay ang magsimula ang bagong administrasyong Duterte sa second-quarter growth na ito at iparamdam sa masa ang masiglang ekonomiya. Sinabi ni Pernia na binigyang-diin na ng bagong administrasyon ang isang larangan na dapat na tutukan—ang sektor ng pagsasaka at pangingisda, na mayroong hanggang 10 milyong manggagawa at kanilang mga pamilya.
“Knowing that the majority of poor Filipinos rely on this sector for their livelihood, the administration will prioritize agricultural development,” sabi ni Pernia. Binalewala ng huling administrasyon ang agrikultura, dumanas ng limang magkakasunod na quarter ng pananamlay. Sa huling quarter ng Abril hanggang Hunyo, bagamat ang pangkalahatang GDP ay pumalo sa pitong porsiyento, bumaba ng 2.1 porsiyento ang agrikultura. Malaki ang inaasahan ngayon kay bagong Agriculture Secretary Emmanuel Piñol.
Mayroong iba pang mga sektor ng ekonomiya na pagtutuunan ng atensiyon ng mga bagong economic manager ng administrasyon. Maaaring nakatutok ito ngayon sa paglaban sa krimen at ilegal na droga, bilang pagtupad sa ipinangako ni Pangulong Duterte noong kampanya, ngunit kasama ang kapayapaan at kaayusan, seguridad at katatagan, maaasahan ng mamamayan ang tunay na pag-unlad ng ekonomiya na makararating hanggang sa kanila at mararamdaman sa araw-araw nilang pamumuhay.