“Napahiya ako.” Ito ang desperadong pahayag ni Philippine National Police (PNP) Chief, Director General Ronald dela Rosa, dahil sa pagkakadiin ng mga pulis sa pagsusuplay at pagbebenta ng droga.

Dahil umano sa matinding kahihiyan noong Lunes, nagpunta sa Antipolo police si Dela Rosa at dinala sa Camp Crame ang mga pulis na nakadetalye doon upang sumailalim sa imbestigasyon.

“Hindi ko ho talaga ma-imagine, (‘yung pulis) who swear to serve and protect...gigil na gigil po ako your honor,” ani Dela Rosa sa ikalawang araw ng imbestigasyon ng Senate Committee on Justice and Human Rights na pinamumunuan ni Sen. Leila De Lima.

Sa patuloy na testimonya ni ‘Mary Rose’, sinabi nito na bago mapatay ang kanyang mga magulang na pusher, magre-remit ang mga ito ng drug money sa umano’y mga pulis sa Antipolo. “Last na nga po ‘yun...natatakot na sila,” ani ‘Mary Rose’ ngunit hindi na nakauwi ang kanyang mga magulang at bangkay na nang marekober.

Probinsya

Menor de edad, nasagip matapos tangayin ng alon sa Tacloban

Nang tanungin kung bakit hindi agad kumalas sa droga ang kanyang mga magulang, sinabi ni ‘Mary Rose’ na “Hindi na po sila makaalis kasi marami po silang alam...papatayin sila.”

Buong bansa ang suporta

Gayunpaman, malakas umano ang moral ng pulisya ngayon dahil bukod sa suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte, nagpapalakas din umano sa kanila ang suporta ng Senado, Kongreso at buong bansa.

“Whole of nation approach na, lahat ng communities nagtutulungan, nagsusuplay ng information,” ayon pa kay Dela Rosa.

Panakot lang

Nang tanungin ni Sen. Franklin Drilon, nilinaw naman ni Dela Rosa na panakot lang ang mga pahayag ni Pangulong Duterte na “papatayin” nito ang mga drug pusher.

“We always follow the rule of law, sinabi lang ng Presidente para takutin ang mga drug lord. This is psychological warfare. ’Pag ‘di sila natakot ‘di sila susuko,” ani Dela Rosa. Gayunpaman, kapag armado, lumaban at nanganib ang buhay ng mga pulis sa drug operations, mamamatay umano ang suspek.

Report ng PNP

756 napatay sa police operation

569 napatay at iniimbestigahan ng AIS

1067 napatay sa labas ng police operations

9 pulis, 3 sundalo patay sa drug ops

18 pulis, 8 sundalo sugatan sa drug ops

Suporta sa PNP

Bilang suporta sa drug users na sumuko at sa pulisya, hiniling ni Sen. Chiz Escudero sa PNP na magsumite ng panukalang badyet para malaman kung papaano popondohan ang drug rehabilitation para sa 600,000 sumukong drug users.

Nais din ni Escudero na madagdagan ang abogado sa PNP, lalo na’t 95 lang umano ang legal officers para sa 190,000 police at personnel sa PNP. (LEONEL ABASOLA)