Mga Laro Ngayon
(Philsports Arena)
10 n.u. -- La Salle vs PMMS
12 n.t. -- NCBA vs EAC
Makasalo sa pamumuno sa Group A ang target ng De La Salle University sa pagsagupa sa winless Philippine Merchant Marine School sa pambungad na laro ngayong umaga sa Spiker’s Turf Season 2 Collegiate Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Kasalukuyang nasa solong ikalawang puwesto hawak ang barahang 2-1, ang Green Archers, isang panalo na nahuhuli sa tatlong koponang magkakatabla sa liderato na binubuo ng National University, Perpetual Help at Far Eastern University na may 3-1 karta.
Sasandalan muli ang Green Archers para sa target nilang ikatlong tagumpay ni ace hitter Raymark Woo.
Sa kabilang kampo, target naman ng Mariners na makapasok ng winner’s circle matapos mabigo sa unang tatlong laban.
Samantala, mag-uunahan namang makapagposte ng panalo ang dalawang koponang napag iiwanan sa Group B na Emilio Aguinaldo College at National College of Business and Arts.
Magtutuos ang Generals at Wildcats na wala pang naipapanalo matapos ang unang tatlong laro ganap na 12 ng tanghali.
(Marivic Awitan)