TUMATAGINTING ang tinig ni Pangulong Rodrigo Duterte nang kanyang bakantihin ang lahat ng posisyon na hinahawakan ng presidential appointees. Sa biglang tingin, ang kanyang tinutukoy ay lahat ng hinirang ng hinalinhan at ng kasalukuyang administrasyon.

Maliwanag na ang walang kagatul-gatol na utos ng Pangulo ay nakaangkla sa kanyang mga obserbasyon na ang naturang mga lingkod-bayan ay nakayakap pa rin sa mga katiwalian at pagpapabaya sa tungkulin na determinadong lipulin ng Duterte leadership.

Subalit niliwanag ng Malacañang na ang pinabakanteng mga posisyon sa gobyerno, lalo na sa Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ay mga tanggapan na pinamamahalaan ng mga opisyal na hinirang ni dating Presidente Aquino. Kabilang din dito ang mga humahawak ng tinatawag na “sensitive and juicy post” na lagi nang pinag-aagawan ng mga appointees sapagkat ito ay pinagkakakitaan ng limpak-limpak na benepisyo.

Hanggang ngayon, ang nabanggit na mga opisyal na binigyan na lamang ng pitong oras upang umalis sa puwesto ay maliwanag na hindi natinag sa pangungunyapit. Kapit-tuko, wika nga.

Mawalang-galang na, wala silang delicadeza samantalang sila ay itinuturing na co-terminus o kailangang bumitaw sa tungkulin kasabay ng pag-alis ng Pangulong humirang sa kanila.

Kung ito ay kaagad nilang ginawa, hindi na sila naging tampulan ng mistulang pagpapalayas; nakaiwas sana sila sa kahihiyan; hindi naman sila maaakusahan ng pagpapabaya at abandonment sapagkat ang lahat ng tanggapan ay may kani-kanilang mga deputy o assistants na handa at may kakayahang gumanap ng kanilang tungkulin.

Isa pa, sinunod na lang sana nila ang inihain nilang courtesy resignation na alam kong dapat tuparin ng sinumang presidential appointees.

Bagama’t hindi nasasakop ng utos ng Pangulo ang mga career official at civil service eligibles, marapat ding pag-ukulan ng pangalawang sulyap ang pagganap nila sa tungkulin.

Totoong sila ay maingat at laging pinangangalagaan ang seguridad nila sa puwesto, subalit hindi malayo na ang ilan sa kanila ay maaaring natutukso rin sa kaway ng katiwalian.

Tulad ng walang puknat na paglipol sa droga at kriminalidad, dapat lamang lalong paigtingin ng administrasyon ang kampanya laban sa lahat ng kapalpakan at pagpapabaya sa tungkulin.

Sa gayon, matitiyak natin kung ito ay hahantong sa paglikha ng isang matino at malinis na gobyerno na hindi masyadong napag-ukulan ng atensyon ng nakalipas na mga administrasyon. (Celo Lagmay)