INAKUSAHAN si Demi Lovato ng American indie rock band na Sleigh Bells dahil sa umano’y copyright infringement.
Inihayag nina Alexis Krauss at Derek Miller ng Brooklyn-based band na nagsampa na ng kaso noong Lunes sa California federal court na ang Stars, isang bonus track sa Confident hit album ni Demi noong 2015, ay naglalaman ng kahawig na material na kinuha mula sa kanilang kantang Infinity Guitars noong 2010.
Sa mga dokumentong inihain sa U.S District Court Central District of California, sinabi ng Sleigh Bells na ang pagkakapareho sa dalawang kanta “transcend the realm of coincidence or shared generic material, and inform the very essence of the works.”
Sa isang tweet noong Nobyembre 2015, sinabihan ng Sleigh Bells (@sleighbells) ang dating Disney Channel star, na 24 years old na ngayon, tungkol sa isyu.
“.@ddlovato Demi Lovato flattered you guys sampled Infinity Guitars & Riot Rhythm for “Stars: but we were not contacted,” sulat ng American musical duo. “Gotta clear those.”
Noong panahong iyon, sinabi ng producers ng Stars na sina Carl Falk at Rami Yacoub sa isang pahayag na hindi kasama si Lovato sa production ng kanta.
Hindi nagpaunlak ng anumang pahayag ang kinatawan ni Lovato tungkol sa isyu. (Reuters)