ANG pariralang “BASTA DRIVER, SWEET LOVER” ay bukambibig ngayon ng balana kahit saang lugar ka magpunta.

At kung madalas kang mag-surf sa Internet at pumasok sa mga social networking site, gaya ng Facebook, Instagram at Twitter ay paniguradong marami ka nang na-LIKE at na-SHARE na mga post hinggil dito.

Hindi na bago sa aming mga senior citizen ang mga salitang ito. Ngunit para sa dagdag-kaalaman ng mga Batang Millennium, halos limang dekada na rin ang nagdaan nang una naming masilayan at pagpiyestahan ang mga salitang ito kasabay ng iba pang mga parirala gaya ng “PAKI IPIT LANG PO,” “UPONG DIYES LANG PO,” “GOD KNOWS HUDAS NOT PAY,” at “BARYA LANG PO SA UMAGA.”

TAMA ka riyan – sa mga pampasaherong jeep ito noon nakikita, sa mga sticker na nakadikit sa windshield at may mga drawing na seksing pasahero na nakakalong o di kaya naman ay nakatabi at nakaangkla sa drayber. Oh, ‘di ba, DIYES SENTIMOS pa lang ang pasahe noon!

Kahit araw-araw na namin itong nakikita sa aming pagsakay patungo sa paaralan o sa trabaho at maging sa pag-uwi, ‘di pa rin namin mapigil na mapangiti tuwing mapapatingin sa mga pilyong art work na sadyang idinesenyo raw para sa mga drayber na ang karamihan noon ay nagkaka-GF ng mga estudyanteng regular nilang pasahero.

Kasabay ng halos pagkawala ng mga sticker na ito ang pagkawala nito sa aking isipan –hanggang nitong nakaraang Miyerkules, sa loob ng Camp Crame nang magsalita si Pangulong Rodrigo R. Duterte bilang panauhing pandangal sa ika -115 anibersaryo ng serbisyo-publiko ng ating pambansang pulisya.

Dito biglang “pabulong” na umalingawngaw sa bawat sulok ng kampo ang “BASTA DRIVER, SWEET LOVER” matapos patutsadahan ni Pangulong Duterte ang ngayo’y kanyang itinuturing na “mortal na kritiko” na si Sen. Leila de Lima na may “immoral” daw na pakikipagrelasyon sa drayber-bodyguard niyang si Ronnie Dayan.

Mababakas sa mga mukha ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa ‘di inaasahang pahayag na ito ni Pangulong Duterte ang pagkabigla na may kaalinsabay ding mga nakakubling ngiti na para bagang sinasambit ang mga katagang: “BASTA DRIVER, SWEET LOVER”.

Kinabukasan, agad pinag-piyestahan sa social media ang naturang pahayag ni Pangulong Duterte at nag-viral ang #bastadriversweetlover sa FB at Twitter sa loob lang ng maghapon.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)