Walong katao, kabilang ang limang miyembro ng lokal na teroristang Maute group, ang naaresto nitong Lunes makaraang harangin ng Philippine Army ang sinasakyan nilang van at epektibong mapigilan ang pinaplano nilang pag-atake, sa Barangay Nanagun, Lumbayanague, Lanao del Sur.

Ayon kay Maj. Filemon Tan, Jr., tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command(AFP-WestMinCom) na nakabase sa Zamboanga City, hinarang ng mga tauhan ng 51st Infantry Battalion ang van ng mga suspek, na sa una ay mali ang mga ibinigay na pangalan sa awtoridad.

Gayunman, nakumpirma sa imbestigasyon na ang mga naaresto, dakong 5:10 ng hapon nitong Lunes, ay sina Hashim Balawag Maute, alyas “Apple” o “Jehad”, ng Maute Group; Abdul Jabbar Tominaman Macabading, Jamil Batoa Amerul, Muhammad Sianodin Mulok, at Omar Khalil.

Ayon sa militar, sangkot ang mga suspek sa iba’t ibang gawang terorista sa Lanao del Sur, at nakumpiskahan ng ilang improvised explosive device (IED), dalawang granada, at dalawang .45 caliber pistol na may mga bala.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Kasama rin ng mga suspek sa van ang tatlong babae na sina Hafidah Romato Maute at Norhanna Balawag Maute, mga anak nina Engr. Cayamora at Ominta Maute; at Nasifa Pundug, umano’y asawa ng isa sa mga leader ng grupo sa Kapai, Lanao del Sur. (FRANCIS T. WAKEFIELD)