ABUCAY, Bataan – Malinaw na batid na hindi sila maaaring papanagutin sa anumang krimen, pinasok at pinagnakawan ng tatlong bata, edad walo, 12 at 15, ang isang computer shop sa Barangay Gabon at tinangay ang maraming cell phone at electronic gadget mula roon.

Ayon sa report ni Senior Insp. Edsel Carbungco, hepe ng Abucay Police, gamit ang mga martilyo, puwersahang pinasok ng tatlong bata ang Nicole’s Internet Café ni Pauline McFadden sa Dela Fuente Building sa Bgy. Gabon sa Abucay.

Sinabi ni Carbungco na natangay ng mga suspek ang electric cigarette/vape set na nagkakahalaga ng P6,000; isang Apple iPhone 5 na nagkakahalaga ng P8,000; isang DTC Helex cell phone na nasa P6,000; isang Samsung Galaxy Duos, P4,000; isang Sony Xperia U3, P6,000; isang Sony Xperia Z3, P25,000; isang Lenovo tablet computer, P16,000; at P1,200 cash.

Sa follow-up operation, natunton ng pulisya na dinala ng mga bata ang mga kinulimbat na gamit sa isang Noel Tinao, ng Bgy. Salian, na nagtangkang magsangla sa mga ito ngunit tinanggihan ng sanglaan.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Naaresto ng pulisya si Tinao at nabawi rito ang mga nakaw na gamit, ayon kay Carbungco. (Mar T. Supnad)