OSLO, Norway – Naniniwala si Norway Special Envoy Elisabeth Slattum na nasa tamang tiyempo at hinog na sa panahon ang usapang pangkapayapaan ng Pilipinas at ng mga rebelde para magkasundo at mawakasan ang ilang dekada nang labanan.
Malaki ang naging papel ng Royal Norwegian Government (RNG) sa pagkakaresolba kamakailan sa 52-taong digmaan ng Colombia at ng mga gerilyang FARC, na itinuturing nitong isa sa pinakamalaking tagumpay.
Sinabi ni Slattum na hindi man niya direktang maikukumpara ang peace negotiations na matagumpay nilang naayos para sa Colombia sa kaso ng Pilipinas, ngunit mayroong ilang pagkakahawig sa dalawang labanan.
“Ripeness, the reason why it seems to be working now is the time is ripe. There were a lot of factors that led to that,” aniya.
At kasabay ng pagdating ng tamang tiyempo ay ang “personal involvement” ni Pangulong Duterte. “That’s very important,” diin ni Slattum.
Kaugnay nito, umaasa ang Norwegian envoy na ang mga pag-uusap ay mag-aambag sa pagbuo ng maganda at matibay na pundasyon para sa tuloy-tuloy na pag-uusap sa pagitan ng Philippine Government (GRP) at ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
“We don’t expect major breakthroughs because all peace processes are complex they are high stakes, it takes time, and there may be setbacks. But it’s all about trying to manage those difficult moments and get them through together without leaving the table,” aniya.
BAKIT SA NORWAY
Sa nakalipas na 20 taon, nagsilbing third party facilitator ang Royal Norwegian Government sa matagal nang peace negotiations sa pagitan ng GRP at CPP-NPA-NDF.
Ngunit bakit nga ba ginawang misyon ng bansang Scandinavian na ito ang tumulong para mawakasan armadong labanan na inabot na ng mahigit 40 taon para maresolba?
Marahil ay madaling isipin na bilang bansa na ipinagmamalaki ang pagiging host ng taunang Nobel Peace Prize, ay dapat lamang na pangunahan nito ang mga pagsisikap upang maayos ang mga armadong labanan.
Subalit para kay Norway Special Envoy Elisabeth Slattum, marami pang rason kung bakit napakatibay at napakalalim ng pangako ng kanyang bansa sa prosesong pangkapayapaan.
“Our foreign policy, traditionally and historically, has been based on liberal democratic values – doing our contribution to making the world a better place,” aniya sa Manila Bulletin sa bisperas ng pagpapatuloy kahapon ng pormal na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at ng komunistang grupo sa Scandic Holmenkollen Park Hotel dito.
Nakakatuwa na ang seremonya na nagmamarka sa pagsisimula ng peace negotiations na nabalam noong 2014 ay ginanap sa Nobel Room, ipinangalan kay Alexander Nobel na siya ring pinagmulan ng prestihiyosong Nobel Peace Prize.
“Also, Norway is a very wealthy country. We’ve been blessed with natural resources, so there’s a feeling of moral obligation to share that wealth and do our contribution in the world to peace and development,” aniya.
Sa limang milyon lamang na populasyon nito, kabilang ang Norway sa 10 pinakamayayamang bansa sa mundo na may per capita income na $68,430.
EMOTIONAL REUNION
Samantala, naging emosyonal ang muling pagkikita nina Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Ma. Sison at mga lider ng CPP na sina Benito at Wilma Tiamzon noong Linggo.
Sa unang pagkakataon makalipas ang 30 taon ay nagkita ang mga lider ng partido sa Scandic Holmenkollen Park Hotel sa Oslo, Norway kung saan muling nagpapatuloy ang pormal na peace negotiations sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng makakaliwang grupo na nagsimula 9:00 ng umaga (3:00 ng hapon sa Manila) nitong Lunes.
“Ako ay nagpapasalamat dahil hindi siya (Sison) tumigil para kami ay makalabas,” sabi ni Benito Tiamzon sa mga mamamahayag.