Gen

Dalawang testigo ang nagdiin sa mga pulis sa extrajudicial killings sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa ilegal na droga, samantala kapag napatunayang nagkasala, pananagutin ang mga ito ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP).

Sa binuksang imbestigasyon ng Senate committee on justice and human rights na pinamumunuan ni Senator Leila De Lima, kung saan nadiin sa pagpatay ang mga pulis ng Pasay at Antipolo, sinabi ni PNP Chief, Director General Ronald dela Rosa na hindi palalampasin ng PNP ang mga magkakamaling miyembro nila.

“Our Internal Affairs Services (PNP-IAS) are not slowing down in finding evidences to ensure these erring policemen are indicted…We will go after them,” ayon kay Dela Rosa sa mga senador na nag-iimbestiga.

Probinsya

₱1.8M halaga ng ilegal na sigarilyo, nasabat sa Bacolod; 2 arestado!

Ang mga sangkot na pulis ay inalis muna sa pwesto ni Dela Rosa upang maimbestigahan.

Antipolo police

Ang ilang miyembro ng Antipolo police ay isinangkot sa extrajudicial killings ni ‘Mary Rose’ matapos mapatay ang kanyang mga magulang na drug pushers.

Sinabi ni ‘Mary Rose’ na ang kanyang ama ay ginawang police asset, samantala ang kanyang mga magulang ay inoobliga umanong mag-remit ng drug money sa pulis. Sa bahay din umano nila nagsa-shabu ang 30 hanggang 40 pulis.

Nang tanungin kung bakit hindi siya nag-report sa pulis, sinabi ni ‘Mary Rose’ na “natatakot ako lumapit sa kanila, baka patayin na rin nila ako…Umalis na po kami doon, binuburol pa lang po (parents ko) umiikot-ikot na (sila sa bahay).”

“Ako mismo, naghahanap ako ng hustisya… I will not take this sitting down,” pahayag ni Dela Rosa kay Sen. Paolo “Bam” Aquino IV.

Pasay police

Sinabi naman ni Harra Kazuo, live in partner ng napatay na pusher na si Jaypee Bertes, na mismong mga pulis-Pasay ang nagsusuplay ng droga sa pushers.

“Sa kanila po mismo nanggaling, sa mga pulis po. May binabagsakan po sila tapos doon po kumukuha ang asawa ko,” ayon sa testigo na pitong buwang buntis.

Gayunpaman, hindi umano niya alam kung ano ang pangalan ng mga pulis, ngunit natatandaan umano niya ang mukha ng mga ito.

Si Jaypee at ama nitong si Renato Bertes ay sinasabing pinaslang sa loob ng police station sa Pasay matapos umanong tangkaing mang-agaw ng baril noong Hulyo 7.

Tuloy ang laban

“Lalaban pa rin kami. We will continue! Tuloy pa rin!” Ito naman ang binigyang diin ni Dela Rosa sa panayam ng mga mamamahayag pagkatapos ng pagdinig.

Hindi umano magiging hadlang ang imbestigasyon sa operasyon ng pamahalaan laban sa droga.

(Hannah L. Torregoza, Leonel Abasola at Martin Sadongdong)