Nababahala na rin ang mga Pilipino sa ibang bansa sa paglaki ng bilang ng extrajudicial killings sa bansa.

Sinabi ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles na mula sa kanyang pakikipag-ugnayan sa mga Pinoy sa ibang bansa, naaalarma ang mga ito sa serye ng mga pagpatay.

Sa isang panayam, sinabi niya na bagamat masaya ang mga Pinoy sa ibang bansa na natutugunan ang problema sa droga, naaalarma rin ang mga ito sa paraan ng paglaban dito.

Ito rin ang natanggap na reaksyon ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco sa mga Pinoy abroad bagamat mayroon namang hindi nababahala. “Some are bothered and others are not,” aniya.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Samantala, hiniling ng Ecumenical Bishops Forum kay Pangulong Rodrigo Duterte na respetuhin ang karapatang pantao ng mga suspek dahil mahalaga ang buhay.

“We wish to caution the President to respect the human rights of the people. Life which came from the Creator is precious; it has to be preserved as much as possible,” saad sa kanilang pahayag na inilabas noong Lunes, sabay sa pagbukas ng imbestigasyon ng Senado sa extrajudicial killings.

Sinabi ng grupo na suportado nila ang kampanya ng Pangulo laban sa ilegal na droga ngunit kailangan ng mas malalim na pag-analisa kung bakit lumalaki ang problemang ito at sino ang nakikinabang dito.

Ang pahayag ay nilagdaan nina Bishop Elmer Bolocon ng United Church of Christ in the Philippines, retired Kalookan Bishop Deogracias Iniguez ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, at Bishop Felixberto Calang ng Iglesia Filipina Independiente. (Leslie Ann G. Aquino)