SA loob ng ilang taon, ang mga pagsisikap at sigasig sa mga gawaing pangwika ay nagkaroon ng pansamantalang pagkakatigil. Ngunit nang dumating ang panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Ramon Magsaysay na kinilala namang “Idolo ng Bayan”, at siyang bumali sa gulugod ng Hukbalahap, noong Marso 26, 1954, nilagdaan ni Pangulong Ramon Magsaysay ang Proklamasyon Blg. 12 na nagpapahayag sa pagdiriwang ng Linggo ng Wika mula Marso 29 hanggang Abril 2, taun-taon. Saklaw ng pagdiriwang ang kaarawan ni Francisco Balagtas, ang kinikilalang Prinsipe ng mga makatang Pilipino.

Nang lumaon, inilipat ang pagdiriwang ng Linggo ng Wika mula ika-13 ng agosto hanggang Agosto 19, na kaarawan ni dating Pangulong Manuel L. Quezon.

Naniniwala si Pangulong Ramon Magsaysay na ang tunay na nalalabi sa mga Pilipino ay ang magkaisa sa pagpapalaganap at pagpapayaman ng wikang pambansa. Kung gaano natin kailangan ang Ingles sa pakikipag-unawaan sa ibang bansa, higit at ibayo ang sariling wika upang ang mga Pilipino ay ganap na magkaunawaan at magkaisa tungo sa ikatatatag ng sarili at ikadadakila ng ating Inang Bayan.

Tulad ni Pangulong Manuel L.Quezon, hindi rin nakita ni Pangulong Ramon Magsaysay ang liwanag sa paglaganap ng ating wika sapagkat namatay naman siya noong Marso 17, 1957. Bumagsak sa Bundok ng Manunggal sa Cebu ang presidential plane na kanyang sinasakyan. Kasamang nasawi ni Pangulong Ramon Magsaysay ang 26 na iba pa na mga senador, kongresista at mga cabinet member at ang kilalang manunulat ng Liwayway magasin na si Pablo N. Bautista. Siya ang reporter na sumusulat ng serye ng mga artikulo. May pamagat na: RAMON MAGSAYSAY; ANG IDOLO NG BAYAN. Tanging si Nestor Mata, ng Philippines Herald, ang nakaligtas sa plane crash at siyang nakapagsalaysay sa malagim na pagbagsak ng eroplano.

Sa hanay ng mga naging pangulo ng iniibig nating Pilipinas, si Pangulong Ramon Magsaysay ang masasabing pinakamamahal ng bawat Pilipino. Katapatan, pagtitiwala at pagiging matapat sa sinumpaang tungkulin sa pamamahala. Ang mga nabanggit ay ang lantay na bantayog ni Pangulong Ramon Magsaysay upang manatili siyang buhay at hindi maliliot sa kasaysayan ng ating bansa at alaala ng mga Pilipino.

Sa panahon naman ni Pangulong Diosdado Macapagal, noong Nobyembre 14,1962, inilabas ang Kautusang Pangkagawaran Blg.24 na nag-aatas na gamitin ang Pilipino sa mga sertipiko at diploma sa mga paaralan. Ang nagpatupad ng kautusang ito ay ang Kagawaran ng Edukasyon sa pangunguna ni dating Education Secretary Alejandro “Anding” Roces. Kasunod nito ang paglagda ni Pangulong Diosdado Macapagal sa Executive Order No. 60 na nag-aatas na ang ating Pambansang Awit ay dapat lamang awitin sa wikang Pilipino.

Sa pamumuno ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, noong Oktubre 24, 1967, nilagdaan niya ang executive Order No. 96 na nag-aatas na lahat ng mga gusali, edipiyo at tanggapan ng pamahalaan ay dapat nakasulat sa Pilipino.

Nanawagan pa si Pangulong Marcos na magkaisang-kilos para sa kabutihan ng bansa. (Clemen Bautista)