UNANG napanood si Kim Domingo sa Bubble Gang. Contract artist siya ng GMA Artist Center at hindi niya ikinakaila na dati siyang bar girl, nakapag-aral naman siya ng college, at binuhay ang family niya.
Kaya thankful siya na nakapasok siya sa showbiz dahil matagal na niyang dream na maging artista.
Lalo siyang natuwa nang kunin siya para isali sa cast ng Juan Happy Love Story at hindi niya in-expect na makakasama niya sina Dennis Trillo at Heart Evangelista.
Hindi ba siya nagdalawang-isip na tanggapin ang role bilang mistress o mang-aagaw kay Juan (Dennis) na mahal na mahal ni Happy (Heart)?
“Hindi po naman, kasi sa simula friends at magkatrabaho lang sina Juan at Agatha, pero nagkaroon ng twist ang story,” sagot ni Kim. “At pagkatapos naging sina Juan at Agatha na nang maghiwalay sina Juan at Happy at ayaw nang pumayag si Agatha na makipagkita pa muli si Juan kay Happy.
“Sa totoo po, naiinis din ako sa character ni Agatha, dahil natatakot akong magalit sa akin ang mga fans nina Dennis at Heart. Dumami ang bashers ko sa social media at natakot na rin akong lumabas ng bahay. Baka may makakita sa akin sa mall at sabunutan ako. Pero sabi naman ng iba, hindi raw naman ganoon ang mga fans, nagagalit lang sila dahil effective ang acting ko.”
Pero mapapahaba pa ang pagganap niya sa role ni Agatha, dahil na-extend pa ang sexy-comedy serye hanggang September.
“Siyempre po ay natuwa ako na extended pa ulit kami, kaya sorry na lang sa mga nagagalit sa akin bilang si Agatha.
Hindi ko pa po alam kung ano ang magiging ending ng character ko, ng story namin nina Juan at Happy at ng adopted daughter nilang si Kat Kat. Kahit po asar din ako sa role ko, at ayaw kong mangyari iyon sa akin, hanggang sa role po lamang iyon. Nagpapasalamat din naman ako sa mga nakakaintindi sa akin at ipinagtatanggol din naman ako na role lang iyon.”
May boyfriend si Kim pero naiintindihan nito ang kanyang trabaho, kaya hindi siya nag-aalaala na magalit ito sa kanyang role bilang si Agatha.
Napapanood ang Juan Happy Love Story gabi-gabi sa GMA-7 pagkatapos ng koreanovelang Descendants of the Sun.
(Nora Calderon)
