Tapik sa balikat ng mga atleta ang cash incentives na inihulma ng Kongreso para sa Olympic medalist na tulad ni Rio Olympics silver winner Hidilyn Diaz.

Ngunit, bago mainggit ang iba, alamin muna ang katotohanan.

Batay sa record na nakalap ng Philippine Sports Commission (PSC), mababa ang P5 milyong insentibo ni Diaz kumpara sa mga atleta sa karatig na bansa tulad ng Thailand, Chinese-Taipei at Singapore.

Sa isinagawang ‘Tapatan sa Aristocrat’ forum kahapon, sinabi ni PSC commissioner Celia Kiram na maikukonsiderang mababa ang cash incentive ni Diaz kumpara sa ibinigay ng Chinese-Taipie kay Hus Shu-Ching na US$952,000 (P44 milyon).

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Based on our recently approved law, RA 10699, our gold medalist stands to receive P10-million while silver will receive P5-million,” sabi ni Kiram.

“Malaking bagay ito sa ating mga atleta, pero kumpara sa ibang bansa, maliit ito kung tutuusin,” aniya.

Bukod sa P5 milyon mula sa pamahalaan, nagbigay din ng hiwalay na P2 milyon si Pangulong Duterte, habang naglaan ng P500,000 ang pamahalaang lungsod ng Zamboanga City, gayundin si Senator Manny Pacquiao na nagbigay ng P1 milyon.

Nakatakda ring tumanggap ng house and lot si Diaz mula sa 8990 Holdings Inc - Deca Homes na nakabase sa Davao City.

Ang tanging gold medalist naman ng Singapore na si Joseph Schooling ay binigyan ng US$746,000 o kabuuang P34 milyon ng kanilang pamahalaan.

Nanguna sa mga bansa sa Silangang Asya sa pinakamagandang kampanya sa katatapos lamang na Olimpiada ang Thailand na nasa ika-35 puwesto sa iniuwing 2 ginto, 2 pilak at 2 na tanso. Sunod dito ang Indonesia na nasa 46th place na may 1-2-0 ginto-pilak-tanso. Ikatlo ang 48th place na Vietnam na may 1-1-0 at Singapore na 45th place.

Ang Malaysia na may 0-4-1 pilak at tanso ay nasa 60th place habang ang Pilipinas ay nasa ika-69 na puwesto na may naiuwing isang pilak mula kay Diaz. (Angie Oredo)