WALA raw maipapayo si dating Pangulong Noynoy sa kasalukuyang administrasyon nang tanungin siya ukol dito. Wala rin siyang masabi sa isyung paglilibing kay dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Delicadeza marahil ang dahilan kung bakit ayaw magsalita ni dating Pangulo Aquino ukol sa Marcos burial. Delicadeza rin marahil kung bakit sa panahon ng kanyang panunungkulan ay hindi siya gumawa ng paraan upang tuluyan nang mahadlangan ang nakatakdang libing. Kasi, ang interes niya at ng kanyang pamilya ay sangkot sa isyung ito. Kay Pangulong Marcos kasi ibinibintang ang pagpaslang sa kanyang ama na si Sen. Ninoy Aquino. Kaya, walang batas na nilikha sa kanyang panahon tulad ng ipinanukala ni Pangulong Digong.

Tama iyong ginawa ni Pangulong Noynoy na nanahimik na lang siya nang hingan siya ng maipapayo sa administrasyong Duterte. Sa totoo lang, mas mabigat pang problema ngayon ang dinaranas ng mamamayan sa paraang ginagawa ngayon sa paglutas ng mga problemang kanyang iniwan. Sa kanyang panahon, kumalat ang ilegal na droga. Dumami ang gumamit nito.

Bata, matanda, mahirap, mayaman, babae at lalake, saan man sila nakatira, iba’t ibang uri na ng tao ang nalulong sa ilegal na droga. Hindi lang ang paggamit at pagbenta ng droga ang mga naging krimen. Nagsanga ang mga ito ng mga karumaldumal na krimen. Pagpatay, pagnanakaw na may kasamang pagpatay, panghahalay na pati mga bata ay biktima.

Marami nang pamilya ang nawasak. Naging nakakatakot na sa panahong ito ang kakalat-kalat sa kalye dahil hindi mo alam kung may masasalubong kang mga lulong sa droga.

Kung noon ay kinatatakutan ang mga drug addict, ngayon naman ang kinatatakutan ay ang mga pulis. Araw-araw kasi ay may pinapatay. Ang lumalabas na pinapatay ay mga sangkot sa ilegal na droga. Kung totoo ito, o hindi, ang mga pulis na lang ang nakakaalam. Ang mabigat pang epekto nito ay sa takot na naranasan ng mga mamamayan sa panahon ni Pangulong Noynoy, wala na silang pakialam kung paano nangyayari ang pagpatay. Napakalakas ng loob ngayon ni Pangulong Digong na sagasaan ang lahat na nagiging sagabal sa kanyang layuning lupigin ang ilegal na droga at krimen. Wala siyang paggalang kahit kanino, ke chief justice, senador, o taga United Nations Organization ka dahil sa kanya, ang mahalaga ay magtagumpay siya sa pakikidigma sa ilegal na droga. (Ric Valmonte)