Nakipagtabla lamang sa kanyang huling laban si Philippine No. 1 at Women International Master (WIM) Janelle Mae Frayna upang tumapos sa ikaapat hanggang ikawalong puwesto sa 2016 World Junior Chess Championships sa Kalinga Institute of Industrial Technology (KIIT) sa Bhudabaswar, India.

Nagkasya lamang sa kabuuang 8½ puntos ang 19-anyos at BS Psychology student na si Frayna matapos makihati sa puntos ni Tianglu Gu ng China sa panghuli na 13th round upang mabitiwan nito ang titulo ng torneo at makihati lamang sa ikaapat hanggang ikawalong puwesto.

Una nang nakalasap ng magkasunod na kabiguan si Frayna matapos dominahin ang torneo sa pagkapit sa liderato, bago nagawang bumawi sa huli nitong laro upang umasa na maiuwi ang pinakaaasam na ikatlo at huling norm para maging pinakaunang Women Grandmaster (WGM) ng bansa.

Nagkampeon sa torneo ang tinalo ni Frayna na si WGM Dinara Saduakassova ng Kazakhstan na nakapagtipon ng kabuuang 9.5 puntos. Nagsalo sa ikalawa at ikatlong puwesto sina PV Nandhidhaa ng India at Dinara Dordzhueva ng Russia sa natipon na siyam na puntos.

Another gold! Hidilyn Diaz, isa nang guro sa UP Diliman

Magkakasalo sa 4th place sina IM Paula Andrea Rodriguez Rueda ng Colombia (2321), Frayna (2292), WIM Vaishali R (2284) ng India at si WIM Uurtsaikh Uuriintuya (2199) ng Mongolia.

Ang ikaapat na puwesto ang pinakamataas na nakamit ng isang babaeng lahok ng Pilipinas sa torneo kung kaya umaasa si National Chess Federation of the Philippines (NCFP) Executive Director at GM Jayson Gonzales na makakamit ni Frayna ang pinakahuli nitong WGM norm.

Base sa regulasyon ng torneo, awtomatikong iuuwi ng magwawagi sa lalaki ang GM title, habang WGM naman sa babae. Ang ikalawa at ikatlo ay bibigyan ng IM at WIM titulo. Posible rin magbigay ang FIDE ayon sa handbook nito ng ranking o norm base sa pagpapakita ng husay ng kalahok sa kanyang mga nakalaban. (Angie Oredo)