BAGAMAT aminado siyang medyo natatakot din sa pakikipagsagutan kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte, nangako si Sen. Leila de Lima na hindi siya aatras o mapatatahimik ng pangulong ang isa sa paboritong expression ay “I will kill you.” Binanatan niya ang machong presidente sa umano’y “pag-abuso at maling paggamit” sa poder ng panguluhan nang siya’y atakehin nang personal at “below the belt.” Hindi nga naman puwedeng kasuhan ang pangulo dahil siya ay may immunity from suit.

Sinabihan kasi ni Mano Digong ang senadora bilang isang “immoral” na babae na naglilinis-linisan gayong siya’y may relasyon sa kanyang driver na umano’y conduit din niya sa pangongolekta ng pera mula sa National Bilibid Prison (NBP) noong panahon ng kampanya sa May 9 elections. Ipinahihiwatig dito na si Sen. Leila ay binibigyan ng pera ng mga convicted drug lord sa NBP para gamitin sa kampanya. Samakatuwid, siya ay isang drug protector.

Sa kabila ng mga personal na pag-atake ni President Rody, naninindigan ang senadorang may “yagbols” na tuloy ang imbestigasyon (Agosto 22-23) tungkol sa extrajudicial killings kaugnay ng drug war ng pangulo na ipinatutupad ng PNP sa pamumuno ni Gen. Bato. Wala naman daw tutol si De Lima sa illegal drug war, ang gusto lang malaman ay kung ang mga pagpatay ay lehitimo o walang habas.

Maraming netizen ang nagdududa rin sa police operations laban sa mga drug pusher at user dahil ang karamihan sa kanila ay mahihirap na tao, pero kapag mga alkalde, negosyante ang umano’y sangkot, kinakausap ng pangulo (tulad ni Peter Lim) at ni Gen. Bato (tulad ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa). ‘Di ba’t nang salakayin ang bahay ng mayor, anim na bodyguard niya ang napatay at maraming armas ang natagpuan doon? Bakit hanggang ngayon yata ay wala pang kaso ang PNP laban sa kanya?

Walang duda, halos lahat ng Pinoy ay katig o pabor sa pagsugpo sa illegal drugs sa bansa. Walang kontra rito. Kaya lang, hindi maalis ang duda na sa araw-araw na PNP operations (mahigit na sa 1,000 ang patay), laging inire-report na ang mga biktima ay nanlaban daw sa mga pulis gayong ang armas ay tanging .38 cal pistol, samantalang ang mga baril ng raiding team ay matataas na kalibre. Paano ka makalalaban sa high-powered firearms?

Tanong: Kung ang pusher o user ba ay pinasusuko at armado lang ng .38 cal pistol, makikipagbarilan kaya siya sa mababangis na pulis na may powerful firearms? Saka, sa mga raid sa Metro Manila, wala pang ulat na kahit isang pulis ang nagalusan sa pakikipaglaban sa mga pusher at user.

Anyway, sinabi ni Gen. Bato sa mga senador na higit na marami ang napatay ng mga vigilantes kumpara sa mga pulis.

Badya ni Sen. Panfilo Lacson, chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs: “Bakit ‘di ba kayang pigilan ng PNP ang vigilantes?” Ayon kay Bato, ang napatay ng vigilantes ay umabot na sa 899 sapul noong Hunyo 30. 

Samantala, ang leksiyon na dapat malaman ngayon ni Sen. Bayag, este Sen. Leila de Lima ay ganito: “Mahirap kalabanin ang isang pangulo na very popular, nakakuha ng 16.6 milyong boto. ‘Di ba’t ganito rin ang sitwasyon noong very popular pa si Tita Cory matapos ang 1896 People Power Revolt? Walang makakontra sa kanya noon. Ganito rin sa panahon ni ex-Pres. Joseph “Erap” Estrada na popular noon. Paborito niyang sambitin ang “Magpresidente muna kayo” tuwing siya’y binabatikos ng kanyang mga kritiko! (Bert de Guzman)