KAHIT baguhan lang sa Kongreso ay maugong na pinag-uusapan si Batangas Cong. Vilma Santos ng kapwa niya mga mambabatas. Ito ang ibinalita sa amin ni Quezon City Cong. Winston Castelo.

Kuwento ng kinatawan ng 2nd District ng QC nang makausap namin, napakasipag daw ni Ate Vi at sunud-sunod ang mga panukalang batas na inihahain sa Kongreso.

Isa sa mga panukalang batas ni Cong Vi na mainit na pinag-uusapan, hindi lang sa Congress kundi pati na rin ng publiko, ang House Bill 2599 na naglalayong tanggalin ang ipinapatong na buwis sa overtime pay ng mga nagtatrabaho.

Paliwanag naman ni Ate Vi, kung maipapasa ang kanyang panukala, mahigit 38 milyong mga manggagawa natin at mga pamilya nila ang makikinabang.

Bretman Rock, ibinida ang Filipina Barbie Doll na likha ng Fil-Am artist

Dagdag pa ng dating gobernador ng Batangas at ngayon nga ay chairman ng Committee on Civil Service and Professional Commission ng Kongreso, kahit mababawasan ang kita ng gobyerno ay tiyak namang mababawi ito.

Samantala, maraming mga tagahanga si Ate Vi na humirit sa kanya na gumawa ng isang pelikula sa taong ito, pero nagpaliwanag ang Star for All Seasons na bagamat wala pa ring tigil ang pagdating ng mga proyektong iniaalok sa kanya ay hindi muna niya mahaharap ang mga ito dahil sa kailangan muna niyang tutukan ang pagiging mambabatas.

“Hopefully, makakagawa rin ako ng kahit one movie pero hindi muna sa ngayon,” tugon sa amin ng multi-awarded actress/public servant. (JIMI ESCALA)