Kasalukuyang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad kaugnay sa pagkamatay ng isang lalaki na natagpuan sa loob ng inuupahan nitong kuwarto sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang biktima na si Ruben Ostulano, 18, ng Robles 1, Area 1V, Barangay 175 ng nasabing lungsod.
Nakitaan ang biktima ng tama ng bala ng cal. 38 sa ilalim ng kanyang baba na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Ayon sa mga kasamahan ng Ostulano na sina Richard Domacian, John Daniel Torado, at Edzel Ibanez, dakong 3:00 ng madaling araw nang makarinig sila ng putok ng baril mula sa kuwarto ng biktima.
Kaagad nila itong pinuntahan at bumulaga ang duguang bangkay ni Ostulano
“Kapag nag-positive sa gun powder ‘yung victim closed case na ito at talagang nag-suicide, pero kapag nag-negative tiyak na may foul play na nangyari,” ayon kay PO3 Rodriguez.
Narekober sa loob ng kuwarto ng biktima ang isang cal. 38 na may apat na bala. (Orly L. Barcala)