HABANG nagdedebate ang bansa kung dapat pahintulutang maihimlay ang labi ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa Libingan ng mga Bayani, halos hindi napansin ng publiko ang anibersaryo ng kamatayan ni Sen. Benigno “Ninoy” S. Aquino Jr. — ang nag-iisa at pinakamahalagang insidente na nagbunsod sa pagpapatalsik sa kapangyarihan kay Marcos — nitong Linggo, Agosto 21.
Si “Ninoy” ang pinuno ng oposisyon na nanindigan laban kay Pangulong Marcos mga mapanghamong taon na nauwi sa pagdedeklara ng batas militar noong 1972. Kabilang siya sa mga unang dinakip nang suspendihin ni Pangulong Marcos ang mga institusyon ng gobyerno, kabilang ang Kongreso, gayundin ang mga pangunahing karapatan ng mamamayan, upang protektahan ang bansa, ayon sa Pangulo, laban sa pagkubkob ng mga Komunista.
Sa sumunod na walong taon, ipiniit si “Ninoy” sa bilangguan ng militar at nilitis ng military court, na nagsabing nagkasala siya sa pagpatay at rebelyon at hinatulan ng kamatayan. Matapos siyang atakehin sa puso noong 1980 habang nasa bilangguan, inilipat siya sa Philippine Heart Center at muli siyang inatake sa puso roon. Pinahintulutan siyang magtungo sa United States para sumailalim sa coronary artery bypass surgery. Nagbalik siya sa Pilipinas noong 1983.
Sa araw na iyon ng kanyang pagbabalik sa bansa, Agosto 21, binaril siya sa tarmac ng Manila International Airport.
Ang prusisyon sa kanyang libing noong Agosto 31 ay tumagal mula 9:00 ng umaga hanggang 9:00 ng gabi, at tinaya sa dalawang milyong katao ang nag-abang at tumunghay sa buong ruta ng libing sa Quezon Boulevard sa Quezon City, España sa Maynila, hanggang sa Quiapo, sa Roxas Boulevard, diretso sa kanyang puntod sa Parañaque, kung saan siya nakalibing ngayon. Makalipas ang tatlong taon, noong Pebrero 1986, nagtipun-tipon ang mamamayan sa EDSA upang tuluyan nang tuldukan ang rehimeng Marcos.
Nangyari ang lahat ng ito 33 taon na ang nakalipas at karamihan sa milyun-milyong nagluksa kay “Ninoy” ay nagpatuloy sa buhay at ang iba ay pumanaw na. Umusad na rin ang sitwasyon ng bansa, matapos maihalal ang biyuda niyang si Corazon C. Aquino bilang pangulo noong 1986, gayundin ang nag-iisa niyang anak na lalaking si Benigno S. Aquino III noong 2010. Makalipas ang maraming taon, matapos ang dalawang administrasyong Aquino, hindi pa rin tuluyang nareresolba ang kanyang pagkamatay. Hanggang ngayon, hindi pa rin natutukoy kung sino ang kumalabit sa gatilyo ng baril na pumatay kay “Ninoy” at kung sino ang nag-utos sa suspek.
At nitong Linggo, ginunita ng bansa — ng iilan na nakakaalala at ng marami na nagpapasalamat sa mga ginawa ni “Ninoy” para sa bansa, noong nabubuhay pa at matapos pumanaw — ang ika-33 anibersaryo ng kamatayan ng isa sa mga tunay na bayani ng ating bansa. Wala sa Libingan ng mga Bayani ang kanyang labi ngunit maaari siyang ihimlay kahit saan at mananatili siyang inaalala at binibigyang-pugay ng kanyang mga kapwa Pilipino.