May 500 pang political detainees ang hiniling na mapalaya na ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang kahilingan ay ginawa ng may 100 miyembro ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP)-Southern Tagalog Region, kasunod ng una nang pagpapalaya ng pamahalaan sa 17 consultant ng NDFP na kalahok sa isasagawang peace negotiation at dalawa pang detenidong pulitikal dahil sa human consideration.

Isang rally rin sa Mendiola ang isinagawa ng grupo dakong 8:00 ng umaga kahapon bilang pagsalubong sa pagsisimula ng peace talks sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at NDFP peace panel sa Oslo, Norway. Inaasahang magtatagal ang peace talks hanggang sa Agosto 27.

Ayon sa grupo, ang naturang 500 political prisoners ay kasalukuyang nakapiit sa iba’t ibang panig ng bansa.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kabilang anila rito ang 18 may sakit, limang matatanda, siyam na kababaihan, at 18 indibidwal na may limang taon nang nakakulong, at dapat na anilang palayain alinsunod sa humanitarian grounds.

Binigyang-linaw ng grupo na kung wala nang political prisoner ay masasabing tunay na umiiral ang pagkilala at paggalang sa batayang pantao. (Mary Ann Santiago)