HINDI pala puwedeng bigyan ng posisyon sa gobyernong Duterte si Robin Padilla dahil sa pagiging ex-convict niya.
Ito ang nalaman ng entertainment press sa solo interview sa actor pagkatapos ng Q and A sa press launch ng Bravo food supplement nitong nakaraang Biyernes ng tanghali.
Tinanong kasi si Binoe kung bakit walang ibinigay na posisyon sa kanya si Presidente Rodrigo Roa Duterte gayong halos lahat ng showbiz personalities na sumuporta rito ay may assignments na.
Bahagyang natigilan si Robin at sabay sabing, “Na-on the spot ako, ah. Ah, ano po ‘yan, eh, hindi naman nawawala ‘yan dahil nasa iisang circle lang kami at isang napakalaking karangalan naman pagka tinatanong ako kung gusto ko (magkaroon ng posisyon).
“Ang usapin lang, eh, puwede ba ako? Una na, kung revolutionary government ito, oo, papayag ako. Pero, hindi, eh.
“Kasi, di ba, ex-convict ako? Ex-convict ako, hindi nga ako nakaboto, eh. Hindi ako puwedeng bumoto, hindi ako p’wedeng humawak ng posisyon,” pagtatapat ng aktor.
Kaya siguradong hindi siya qualified at, “Saka revolutionary government talaga tayo. Hindi ako nagbabago ng stand.
Nu’ng una n’yo akong nakausap, revolutionary government na ako, at hanggang ngayon.” (Reggee Bonoan)