Isang matandang lalaki ang nasawi dahil sa labis na lamig ng panahon dulot ng tuluy-tuloy na pag-ulan sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima na inilarawang nasa edad 60, may taas na 5’5”, payat, nakasuot ng itim na jacket, maong na pantalon at walang sapin sa paa.
Ayon kay SPO3 Milbert Balinggan, ng Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS) ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong 7:45 ng gabi nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa Skyway Billiard Hall, sa 574 Padre Rada St., Tondo.
Nauna rito, dakong 7:00 ng gabi ay tuluy-tuloy ang buhos ng ulan sa lugar kaya pumasok umano sa naturang bilyaran ang matanda upang sumilong at natulog sa isang sementadong upuan at nagkumot ng kulay puting tela.
Maya-maya pa’y napansin na lang umano ni Rodrigo Bayate, 51, na naglalaro ng bilyar, na wala nang buhay ang biktima kaya’t ini-report umano niya ito sa mga awtoridad.
Ayon naman kay Arga Clicel, may-ari ng bilyaran, hindi nila kilala ang biktima dahil noong araw lamang nila ito nakita sa lugar.
Ang bangkay ng biktima ay dinala sa St. Rich Funeral Parlor. (Mary Ann Santiago)