MAY resolusyong nakabimbin sa mababang kapulungan ng Kongreso na nanawagang imbestigahan nito ang operasyon ng sindikato ng droga sa Bilibid at alamin ang kinalaman ng mga opisyal nito at ng Department of Justice (DoJ). Ang Resolusyong 105 ay inihain ng mga Kongresista sa pamumuno nina Speaker Pantaleon Alvarez at Majority Leader Rodolfo Pariñas para malaman kung paano namayagpag ang mga convicted druglord sa loob ng limang taong panunungkulan bilang kalihim ni Sen. Leila De Lima ng DoJ. Sa ilalim kasi ng pamamahala niya noon ang lahat ng piitan kabilang na rito ang Bilibid sa Muntinlupa.

Nangyayari ngayon ang nasabing imbestigasyon at ang pagbatikos ni Pangulong Duterte sa Senador na ang kanyang kalaguyong driver ay nangolekta ng pera sa mga druglord sa Muntinlupa para sa kanyang kampanya dahil pinaimbestigahan nito sa Senado ang mga patayan at summary execution nagaganap sa operasyon ipinalunsad ng Pangulo laban sa droga.

Hindi nagustuhan ng Pangulo ang ginawa ng Senador dahil, ayon sa kanya, nakinabang din ito sa droga.

Ang maliwanag sa mga nagaganap ngayon ay napakahirap na kalabanin si Pangulong Digong kapag may bagahe kang dala-dala. Mahirap mong gayahin ang ginawa ni De Lima kahit para sa kapakanan ng bayan ang nais mong isulong. Pikon ang Pangulo. Nasanay na siya na sa mahabang panahon nanungkulan siyang pinuno ng Davao City na siya ang nasusunod at ayaw niyang siya ay sinasalungat. Matagumpay niya kasing ginawa ito dahil matagumpay niyang sinupil ang kumukontra sa kanya kahit sa anong paraan. Kaya, sino sa mga pulitikong nasa posisyon ngayon ang babangga sa Pangulo kahit alam niyang hindi maganda sa bayan ang kanyang ginagawa? Eh, ang halos lahat ng mga ito ay may tinatawag ngang “skeleton in the closet” na takot maihayag sa publiko na kayang- kaya at hindi mapaatubiling gawin ito ng Pangulo.

Nanganganib ang demokrasya. Nagiging malusog lang kasi ito sa malayang palitan ng ideya. Sa pamamagitan ng malayang debate at paglalabas ng saloobin ay doon lang nakagaganap ng mabuti ang gobyerno sa kanyang tungkulin sa mamamayan.

Iyong gumagamit ng karahasan at pananakot upang mapawi nito ang kanyang taga-salungat ay hindi maglalaon ay malalaman niyang sinugpo na niya ang mga ito. Puwersahang pag-isahin ang mga opinyon ay walang makakamit kundi ang walang hanggang katahimikan ng libingan. Imbestigahan si De Lima pero hindi sa paraan na ginagawa ng Mayor ng Tanauan na sabitan mo ito ng karatula at sabihin mo na ito ay masamang tao. (Ric Valmonte)