SA pagtatapos ng Olympic Games sa Rio, at pagdagsa ng batikos sa halos lahat ng bahagi ng prestihiyosong palaro, mula sa palpak na konstruksiyon hanggang sa polusyon sa tubig, isang simpleng bagay ang ipinanggagalaiti ngayon ng mga residente. Pintasan na ang lahat, huwag lang ang paborito nilang kutkutin.
Tinatawag itong Biscoito Globo, at hindi ito simpleng pantawid-gutom lamang sa Rio. Ito ang simbolo ng kanilang pagmamalaki bilang kabisera ng bansa.
Ang bilog at malutong na tsitsirya na gawa sa langis ng niyog, gatas, tubig at nilasahan ng kaunting asin at asukal ay lokal ang produksiyon at nakasilid sa paper bag kapag inilalako sa mga baybayin at sa mga tindahang nagkalat sa Rio de Janeiro. Paborito itong nguyain ng mga sanggol sa pagkakaupo sa kani-kanilang stroller na para bang cereal ito. Ito rin ang maya’t mayang kinukutkot ng nangakabilad sa beach para sa kaunting tanning.
Ngunit nang ilarawan sa isang artikulo ng New York Times ang malutong na kutkutin bilang “flavourless” at “air turned into a doughnut-shaped wafer”, sumiklab sa galit ang mga residente, dumagsa sa social media upang tuligsain ang pagkahumaling ng mga Amerikano sa fast food. Kasabay nito, nag-post ng mga litrato ng Biscoito Globo ang mga Brazilian. Ang isang sikat na larawan ay nagpapakita sa hilera ng mga pakete nito sa buhangin, katabi ang isang pampalamig sa baso at sunglasses.
“How many generations of locals have grown up loving that snack? For many, including me, it’s impossible to go to the beach and not have the cookie. It’s so crunchy and light,” sinabi ni Ana Beatriz Manier, na nagsusulat ng libro tungkol sa kasaysayan ng Globo cracker, na nagsimula pa noong 1955.
“To hear someone speaking badly of a product that is part of the childhood of every Rio resident, of that beautiful beach scenery that makes us proud, it causes outrage,” paliwanag ni Manier.
Sa Facebook, tinangka ng kolumnistang Brazilian na si Mentor Neto na ipaliwanag ang sekreto ng Globo. “It’s not something for beginners,” aniya, ginaya ang prase na pinasikat ng sumulat ng awiting “The Girl from Ipanema” na si Tom Jobim: “Brazil is not for beginners.”
“It must be felt on the palate and throat and not the taste buds ... it should be felt in the soul,” ani Neto.
Malinaw na pinepersonal ng mga Carioca, kilalang tawag sa mga taga-Rio, ang mga puna at biro ng mga dayuhan. Dahil ikinagalit ng mga Brazilian ang tweet ng Amerikanang goalkeeper na si Hope Solo na nagpapahayag ng pagkatakot sa Zika virus, nagsisigawan ng “Zika! Zika!” ang mga residente tuwing hawak niya ang bola. Napikon din ang mga residente sa mga komento kung bakit parehong maliit ang tasa ng kape at ang swimsuit ng kalalakihan sa Brazil.
Tungkol sa kutkuting Globo? “There’s a whole culture around them in Brazil,” sabi ni Jeanine Pires, dating presidente ng Brazilian Tourism Board. “They are the face of Rio.” (Associated Press)