RIO DE JANEIRO (AP) — Nakatala na sa kasaysayan ng Olympics si Mo Farah bilang isa sa pinakamahusay na long-distance runner sa mundo.
Nakamit ng British star ang ikalawang sunod na long-distance title nang pagwagihan ang 5,000-meter nitong Sabado (Linggo sa Manila).
“It’s every athlete’s dream but I can’t believe it,” pahayag ng 33-anyos na si Farah.
“I just want to go home now and see my beautiful kids and hang my medals around their necks.”
Taliwas sa kaganapan sa 10,000 finals kung saan naging masalimuot ang kanyang kampanya bago manalo, magaan ang naging takbo ni Farah para gapiin ang dalawang karibal mula sa Ethiopia.
Naitala niya rin ang long-distance double sa 2012 London Games.
Ang huling nakagawa nito sa Olympics ay si Finnish great Lasse Viren sa 1972 Munich at 1976 Montreal Games.
Naisumite ni Farah ang tyempong 13 minuto at 3.30 segundo, habang bumuntot si Paul Chelimo ng United States at Hagos Gebrhiwet ng Ethiopia.