SISIMULAN ngayon ng Senado ang imbestigasyon sa pagpapatuloy ng kampanya ng administrasyong Duterte laban sa droga na nagbunsod na ng daan-daang kamatayan at pag-aresto sa libu-libong tulak at adik. Mahigit 800 na ang napapatay, batay sa datos hanggang sa kalagitnaan ng nakaraang buwan at patuloy na tumataas ang bilang na ito, na nagpapatindi naman sa pangamba sa posibilidad ng paglabag sa karapatang pantao.
Sa mga nakalipas na araw, nagkaroon ng mainit na kontrobersiya kay Sen. Leila de Lima, na ang pinamumunuang Senate Committee on Justice and Human Rights ang magsasagawa ng pagsisiyasat sa mga pamamaslang. Inakusahan siya ni Pangulong Duterte ng pagkakaroon ng relasyon sa kanyang driver na umano’y nangongolekta ng perang kita sa droga para sa kanya mula sa loob ng New Bilibid Prison. Nitong Biyernes, tinawag niya ang karamihan sa mga paratang bilang “lies, distortions, and exaggerations”, ngunit inaming ilan sa mga ito ay totoo—“may kaunting totoo.”
Ang buong palitan ng mga alegasyon ay maaaring makaapekto sa magiging reaksiyon ng publiko sa imbestigasyon, ngunit sinabi ng senadora na isasagawa ito gaya ng itinakda. Sinabi rin niyang buo ang kanyang suporta sa digmaang inilunsad ng Pangulo laban sa droga, ngunit mahalagang maipatupad ang batas upang matiyak na nagagawa ito nang maayos at para matulungan na rin ang mga pulis sa pagtupad sa kanilang tungkulin.
Bago pa ilunsad ng bagong administrasyon ang kampanya nito laban sa droga, walang sinuman sa gobyerno ang nakababatid kung gaano kalaki ang problema. At bago pa man opisyal na nagsimula ang bagong gobyerno, biglang napaulat ang kabi-kabilang pagpaslang sa iba’t ibang dako ng bansa sa nakalululang bilang, bukod pa sa mga pagdakip at pagsuko ng mga tulak at adik.
Malinaw na mayroong dalawang uri ng pagpatay, ayon kay Senator De Lima. Nariyan ang mga nanlaban sa pag-aresto kaya binaril. At mayroon ding tinatawag na pagpatay ng mga vigilante—bigla na lamang susulpot ang isang bangkay sa kung saan at nakasabit o nakapatong dito ang karton na nasusulatan ng: “Drug pusher. Huwag tularan.” Isang suspetsa ang pagpatay ng mga drug gang sa mga karibal nila sa negosyo.
Mayroong mga testigo, mga ina at iba pang miyembro ng pamilya, na kumukuwestiyon sa paraan kung paano binaril ng mga umaarestong pulis ang ilan sa mga suspek. Ang ilan sa mga testigong ito ay haharap sa pagdinig ng Senado.
Haharap din ang pulisya, sa pamumuno ni Philippine National Police Chief Director General Ronald Dela Rosa, sa pagdinig upang ilahad ang opisyal na ulat ng pulisya. Dapat na masagot nila nang maayos ang anumang katanungan na ibabato sa kanila sa pagdinig.
Bukod sa mga pamamaslang, ilang usapin pa ang maaaring lumutang sa Senado. Dahil sa maigting na kampanya kontra droga ay napakaraming gumagamit ng droga sa bansa ang nalantad sa ngayon, kaya hindi na ito simpleng problema lamang sa pagpapatupad ng batas kundi isang suliranin sa pampublikong kalusugan.
Umasa tayo, na gaya ng sinabi ni Senator De Lima, na makatutulong ang gagawing pagdinig ng Senado sa pagpapatupad ng administrasyon sa kampanya nito laban sa droga, sa higit na epektibong paraan, alinsunod sa umiiral na batas at sa pandaigdigang karapatang pantao.