Nanganib mawala ang asam na WGM norm matapos muling mabigo ang Philippine No.1 at Woman International Master (WIM) Janelle Mae Frayna upang mahulog sa ikalimang puwesto sa overall matapos ang penultimate Round 12 sa ginaganap na FIDE World Junior Chess Championships 2016 (for boys & girls under 20) sa Bhubaneswar, Odisha, India.
Nalasap ng 9th seed na si Frayna (2292) ang ikalawang sunod na kabiguan Sabado ng gabi kontra seeded No. 18 na si WIM Dharia S. Pamali ng India upang manatili sa natipon nitong walong puntos at agad mapag-iwanan sa ikalima hanggang ikawalo na puwesto patungo sa pinakahuling ika-13 round.
Inokupahan ni WGM Dinara Saduakassova Dinara ng Kazakhstan (2423) na may siyam na puntos habang nasa ikalawa si WIM Dinara Dordzhieva Dinara ng Russia (2304) na may 8½ puntos.
Magkakasalo sa 8 puntos sina WIM Alina Bivol Alina ng Russia, WIM Pv Nandhidhaa (2151) ng India, Frayna, IM Rueda Paula Andrea Rodriguez (2321) ng Colombia, Parnali (2203) ng India at WIM Uurtsaikh Uuriintuya ng Mongolia.
Habang isinusulat ito ay kasagupa ni Frayna ang seeded no. 14 na si WIM Tianlu Gu Tianlu (2239) ng China.
Samantala, nabigo naman muli ang seeded No. 21 na si Shania Mae Mendoza (2191) kontra kay seeded no.32 WIM G K Monnisha (2101) ng India upang manatili sa natipong 5½ puntos.
Nabigo rin ang National University student na si International Master Paolo Bersamina (2402) upang mahulog sa 9th to 13th place sa natipon na 7½ puntos. (Angie Oredo)