Binalaan ng Food and Drugs Administration (FDA) ang publiko laban sa pagbili ng apat na gamot matapos matuklasang hindi rehistrado ang mga ito sa kanilang tanggapan at posibleng magdulot ng problema sa kalusugan.

Sa FDA Advisory No. 2016-084, inilabas ang public health warning laban sa pagbili at paggamit ng Betahistine dihydrochloride (Serc) 8 mg tablet, na gawa ng Highnoon Laboratories Ltd.; Cinnarizine (Stugeron) 25 mg tablet, na gawa ng Johnson & Johnson – Pakistan (Private), Betahistine diHCl (Serc) 16 mg tablet, ng Abbott Healthcare SAS; at Ketorolac Tromethamine (Ketorocin-0.5) Ophthalmic Solution 5 ml, na gawa ng Appasamy Ocular Devices Pvt Ltd Pharma Division.

“All healthcare professionals and the general public are hereby warned to be vigilant of the abovementioned drug products. These pose potential danger or injury to the consuming public and the importation, selling or offering for sale of such is in direct violation of Republic Act No. 9711 or the Food and Drug Administration Act of 2009,” saad sa advisory ng FDA.

Pinaalalahanan rin ng FDA ang mga establisimyento at mga tindahan laban sa pagbebenta ng mga naturang gamot, at ang sinumang lalabag sa kautusan ay papatawan ng kaukulang parusa.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

ASBESTOS IPALIWANAG

Samantala, pinagsusumite ng FDA ng mga dokumento ang mga manufacturer at distributor ng pulbo o talc powder na ipinagbibili sa bansa bilang patunay na walang asbestos ang kanilang mga produkto.

Batay sa FDA Advisory 2016-090, na nilagdaan ni Director Maria Lourdes Santiago, kasunod ng kautusan ng World Health Organization (WHO) International Agency for Research on Cancer na pag-aralan ng bubuuing task force ng Pilipinas, Singapore at Thailand kung carcinogenic o nagdudulot ng cancer ang pulbo.

Ayon sa ahensiya, dapat maglagay ng babala ang manufacturer at distributor sa etiketa na ilayo ang pulbo sa ilong at bibig ng bata.

Paliwanag ng FDA, ang pulbo, na kilala rin sa mga tawag na talcum powder, talc, o hydrated magnesium silicate ay likas na mineral na minimina at ginagamit sa cosmetic industry. Ang asbestos naman ay silicate mineral, na malaki ang pagkakatulad sa talc, ngunit kilalang carcinogen. (Mary Ann Santiago)