NILINAW ng Duterte administration na hindi pa pinal ang panukala na tanggalin ang VAT (value-added tax) exemptions para sa mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs). Nais kasi ng Department of Finance (DoF) na alisin ang ilang VAT exemptions upang punan ang revenue losses o pagkawala ng pera o kita sa magiging bunga ng pagpapababa sa corporate at individual tax rates.
Tiyak na salungat dito at hindi magugustuhan ng milyun-milyong nakatatanda (seniors) at may kapansanan (PWDs) ang ganitong plano ng DoF na pinamumunuan ni Sec. Carlos Dominguez. Kung namuhi ang mga mamamayan, partikular na ang mga pensioner, sa pag-veto ni ex-Pres. Benigno S. Aquino III sa panukalang P2,000 SSS pension increase noon, garantisadong aani rin ng katakut-takot na protesta ang balak na tanggalin ang VAT exemptions. Tandaang pinulot sa kangkungan ang “manok” ni PNoy sa halalan dahil inayunan niya ito.
Si Sen. Leila de Lima naman ang binabanatan ngayon ni President Rodrigo Roa Duterte sa publiko. Sa pagsasalita niya sa ika-115 anibersaryo ng Police Service sa Camp Crame, ibinunyag niya na isang senadora ang may driver na kanya ring lover ang nagtutungo sa New Bilibid Prison (NBP) noong election campaign para kumulekta ng pera mula sa convicted drug lords.
Hindi niya tinukoy si De Lima, pero pinangalanan niya ito sa press conference sa paliparan. “Here is a senator complaining, when one day I will tell you that her driver himself, who was her lover, was the one collecting money for her during the campaign,” matalas na pahayag ni RRD. Nang kulitin ng mga reporter kung sino ito, tugon niya:
“Bahagi ito ng aking tungkulin. Gusto ninyong malaman ang pangalan? Siya si De Lima.”
Sumigaw ng “foul” si Sen. Leila sa pagsasangkot sa kanya ni Duterte sa illegal drug activities. Sa kabila raw ng character assassination ng Pangulo sa kanya, itutuloy niya ang pagdinig sa Senado upang pagpaliwanagin ang PNP tungkol extrajudicial killings. Batay sa tala ng Research and Investigative Group ng isang TV network, mahigit na sa 1,000 ang napatay sa police operations at vigilantes killings.
“It’s character assassination,” ayon kay De Lima, isa sa ilang babaeng pinuno ng bansa na may “bayag”, tulad nina Ombudsman Conchita Carpio-Morales, ex-BIR Commissioner Kim Jacinto, ex-COA chairperson Grace Pulido-Tan. Sabi nga sa akin ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Akala ko ba ang may matalas at parang labahang-dila ay si ex-Sen. Miriam Defensor-Santiago lang, pero ngayon ay mas matalas pala at matalim ang dila ni Pangulong Duterte.”
Talagang si Mano Digong ay isang “ladies’ man”. Tatlong babae na ang nakakaengkuwentro niya sapul nang maluklok sa puwesto na kumakatawan sa tatlong sangay ng pamahalaan. Sila ay sina Vice President Leni Robredo (Executive); Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Serena (Judiciary); at Sen. De Lima (Legislative).
Magkabati na sila ngayon nina VP Leni at CJ Sereno, pero hanggang ngayon ay kabangga pa niya si Sen. Leila. Dadalo raw si RRD sa FM burial sa Libingan ng Mga Bayani kapag walang inisyung TRO ang Supreme Court, kapag wala siyang urgent appointment at kapag hindi siya nagkasakit. (Bert de Guzman)