NANG ipagdiwang sa Camp Crame ang ika-115 taong serbisyo-publiko ng ating pambansang pulisya nitong nakaraang Miyerkules, may mga pulyetong inilabas ang mga opisina ng Philippine National Police (PNP) na naglalaman ng mga propaganda para sa kani-kanilang proyekto.

At ang agad nakatawag ng aking pansin ay ang pulyetong simple ang pagkakadisenyo ngunit napakalakas naman ng dating ng titulo nito: “ANG LABAN SA ILEGAL NA DROGA AY LABAN NATING LAHAT.”

Kasama ako at walang pagsalang ang karamihan sa ating mga kababayan ay katuwang din natin sa “LABANG ITO” – ngunit ito’y sa totoong laban lamang at hindi sa idinadramang tumbahan sa mga tagong lugar.

Siguradong sang-ayon agad sa mensaheng taglay ng “flyer” ang mga taong makababasa nito na idinisenyo at ipinamamahagi ng Police Community Relations Group (PCRG) na pinamumunuan ni Sr. Supt. Gilberto DC Cruz, ang opisyal na responsable rin sa pagsipot sa Camp Crame ni PO1 BATO, ang nakatutuwang official mascot ng PNP.

Sa pulyetong ito masusing tinalakay ang apat na grupo ng mga gamot at kemikal na karaniwan nang inaabuso ng mga nagiging sugapa sa ipinagbabawal na droga. Ito ay ang HALLUCINUGENS o Psychedelics; STIMULANTS o Pep at Uppers; SEDATIVES o downers; at NARCOTICS.

Karaniwan nang ginagamit ang mga ilegal na droga dahil sa pag-aakalang makatutulong ito sa paglutas ng problema; pagkaramdam ng kawalan ng atensyon mula sa magulang at kapamilya; sulsol ng mga kabarkada; matinding kalungkutan; masamang kapaligiran; pagtuklas ng kakaibang karanasan; sobrang laki sa layaw; at maling pananaw sa buhay.

Siyam naman ang itinalang masamang epekto ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot– Ang pagkalulong, pag-iiba ng ugali at personalidad, pagkawala sa sarili o pagkasira ng ulo, hirap sa pagtulog kaya nangangalumata, biglang pamamayat at mabilis na pagbaba ng timbang, pagiging bayolente, nakakakita at nakakarinig ng mga bagay na hindi naman nakikita at naririnig ng ibang tao, komplikasyon sa utak, puso at iba pang bahagi ng katawan ng tao, at siyempre pa, ang pagkasira sa magandang kinabukasan.

At ang pinaka importante sa lahat, ang mga palatandaan ng mga taong lulong na sa ilegal na droga: malaking pagbabago sa pisikal na itsura, pagbabago sa mga mata, may kakaibang amoy, mga marka ng turok ng karayom, parating may ‘di pangkaraniwang nararamdaman sa katawan, at laging may sipon at pagdurugo ng ilong.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)