Hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mambabatas sa Kongreso na isama sa kanilang imbestigasyon ang ilang personalidad na umano’y may konek kay Senator Leila De Lima, gayundin ang kalagayan ng Bureau of Corrections (BuCor) noong pinamumunuan pa ito ng huli.

Ayon sa Pangulo, makakadagdag umano sa ebidensya ang ‘link’ ng Senadora sa kanyang mga kasabwat, sa uugating anomalya sa piitan.

“You might as well include it [in the investigation],” ani Duterte.

Inaasahang bubuksan ngayon ni De Lima ang dalawang araw na imbestigasyon ng Senado sa extrajudicial killings na nag-uugat sa kampanya ni Duterte laban sa ilegal na droga, samantala ngayong linggo ay nakakalendaryo din ang imbestigasyon naman ng Kamara sa sitwasyon sa droga sa pangunguna ng Dangerous Drug Board.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Sinabi ni De Lima na sa imbestigasyon, ilalantad niya ang mga testigo na magpapatunay sa extrajudicial killings.

Sinabi ng Pangulo na may mga anomalyang naganap sa BuCor habang pinangangasiwaan pa ito ni De Lima bilang Justice secretary.

Hiniling ni Duterte sa mga sangkot sa imbestigasyon na magsabi ng totoo.

“Be prepared to be investigated because I will charge you for negligence or the violation of the Revised Penal Code,” ayon sa Pangulo.

Sa panig ni De Lima, sinabi nitong naka-focus siya sa gagawing imbestigasyon ng Senate committees on justice and human rights at public order and illegal drugs.

Dahil dito, tumanggi si De Lima na sagutin ang pag-ugnay sa kanya kay Janet Lim Napoles na sinasabing utak ng pork barrel scam. (Yas D. Ocampo at Leonel M. Abasola)