Aayudahan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga botanteng posibleng nabiktima ng identity theft kasunod ng pag-hack sa website ng poll body noong Marso 27, 2016.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, ang mga botanteng nangangamba na naapektuhan sila ng online security breach at identity theft ay maaaring tumawag sa kanilang cybersecurity hotline na 5259301 na ilulunsad ngayong Lunes, Agosto 22, para tulungan ang mga botante na posibleng naapektuhan ng ‘massive data breach’ o website hacking.
Tatanggap anila ng tawag ang hotline mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Kinakailangan lamang na ibigay ng mga caller ang kanilang pangalan, petsa ng kapanganakan, address, contact number at e-mail address.
Maaari rin naman umanong magsumbong sa pamamagitan ng pagpapadala ng email sa [email protected].
(Mary Ann Santiago)