ISULAN, Sultan Kudarat - Isang barangay chairman at kanyang kasama ang nakumpiskahan umano ng matataas na kalibre ng baril at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu makaraang harangin sa isang police checkpoint sa Cotabato City, dakong 9:45 ng gabi, nitong Huwebes.
Kinilala ni Supt. Romeo Galgo, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-12, ang naaresto na si Datu Darry Dilangalen Sinsuat, Jr., chairman ng Barangay Bunged, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao; at si Rajit Sinsuat.
Ayon sa report, minamaneho ng barangay chairman ang kanyang Toyota Revo, kasama si Rajit, nang parahin sila ng grupo ni Insp. Rustum Pastolero sa bahagi ng Bgy. Tamontaka Cotabato City.
Nakumpiska ng mga pulis mula sa mga suspek ang isang .9mm Ultimax pistol, isang Uzi at isang .9mm KG submachine pistols, na pawang walang kaukulang lisensiya.
Nasamsam din umano sa mga suspek ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu, na ikinatwiran ng opisyal ay nakuha nito sa isang kabarangay na hindi pa lang umano naisusuko sa kinauukulan.
Nagsampa na ang pulisya ng mga kasong illegal possession of firearms at paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) laban sa mga suspek, na nakapiit na sa himpilan ng Cotabato City Police. (Leo Diaz at Joseph Jubelag)