Isang malamig na bangkay ng lalaki, hinihinalang biktima ng summary execution, ang natagpuan ng mga barangay tanod sa Caloocan City.
Kinilala ni Police Supt. Reydante Ariza, head ng Caloocan Police North Extension Office (CPNEO), ang biktima na si Arnel Matias, 30, ng Phase 7A Pacjage 7, Block 44, Lot 16, Barangay 176, Bagong Silang ng nasabing lungsod.
Dakong 2:15 ng madaling araw kahapon nang makita ng purok leader na si Angelita Chavez, 55, ang bangkay ng biktima na itinapon sa madamong lugar sa kanto ng Phase 8 at Phase 7, habang ang mga barangay tanod ay nagroronda.
Base sa cursory examination ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), nagtamo ang biktima ng mga bala ng cal. 9mm sa ulo at katawan na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Inamin ng misis ng biktima na si Esmeralda na bukod sa pangongolekta ng ng basura, suma-sideline rin ito sa pagtutulak ng ilegal na droga. (Orly L. Barcala)