Ilegal na koneksyon ng kuryente ang sanhi ng pagsiklab ng apoy na tumupok sa 15 bahay at ikinasugat ng isang ginang sa Sampaloc, Manila nitong Sabado ng madaling araw.
Ayon kay Fire chief Ins. Arvin Rex Capalla, ng Manila Bureau of Fire Protection, nasugatan sa insidente si Dorothy Abiegos, nasa hustong gulang, ng 638 A.H. Lacson Avenue, Sampaloc.
Lumilitaw na nagsimulang kumalat ang apoy dakong 12:03 ng hatinggabi sa bahay ni Abiegos.
Ayon kay Abiegos, mahimbing na silang natutulog ng kanyang pamilya nang magising siya dahil sa naglalagablab na apoy.
Nagsimula umano ang apoy sa bubong ng bahay ni Abiegos hanggang sa unti-unting kumalat sa mga katabi nitong bahay.
Aabot sa 40 pamilya ang nawalan ng tirahan na natupok ng apoy bago tuluyang naapula dakong 1:25 ng madaling araw.
Bukod kay Abiegos, wala namang iniulat na nasugatan at nasaktan sa sunog na tinatayang aabot sa P500,000 halaga ng ari-arian ang natupok. (Mary Ann Santiago)