Natuldukan ang dominasyon ni Philippine No.1 at Woman International Master (WIM) Janelle Mae Frayna matapos malasap ang unang kabiguan nitong Biyernes kontra IM Rueda Paula Andrea Rodriguez ng Colombia sa krusyal na ika-11 round ng FIDE World Junior Chess Championships 2016 sa Bhubaneswar, Odisha, India.

Napuwersa ang 19-anyos psychology student sa Far Eastern University na kinilala bilang Most Valuable Athlete sa Chess at Athlete of the Year sa UAAP 76 season na sumuko gamit ang itim na piyesa matapos ang 60 moves kontra sa 18 seed na si Pamila upang mahulog sa apat kataong liderato.

Bago ito, tangan ni Frayna ang anim na panalo at apat na draw upang makapagtipon ng kabuuang walong puntos matapos ang 11 round.

Base sa tie-break, ikalawang puwesto si Frayna (2292) na may 70 points sa likod ng umokupa sa unahan na si WIM Pv Nandhidhaa (2151) ng India na may 71 points. Ikatlo ang tumalo kay Frayna na si IM Rodriguez (2321) ng Colombia habang nasa ikatlo si WGM Dinara Saduakassova (2423) ng Kazakhstan.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Samantala, napaangat ni WFM Shania Mae Mendoza (2191) ang kanyang puwesto sa ika-31 silya sa pagtipon ng kabuuang 5½ puntos sa 57 kasali matapos talunin ang 52nd seed na si Lakshmi R Divya (1864) ng India.

Tumuntong din sa Top 10 ang National University standout na si IM Paolo Bersamina (2402) sa pag-okupa nito sa ika-7 puwesto na natipon na 7½ puntos upang makitabla sa 4 hanggang 7 place.

Tinalo ng 17-anyos at seeded no. 26 na si Bersamina ang nakatapat na seeded No. 6 na si IM Rasmus Svane ng Germany.

Una itong nagtala ng matinding upset sa torneo matapos na gibain ang 5 seed German Grandmaster na si Dennis Wagner. (Angie Oredo)