Patay ang hepe ng Special Operation Unit ng Rizal Police Provincial Office (RPPO) at ang dalawang hinihinalang tulak makaraang mauwi sa bakbakan ang buy-bust operation ng pulisya sa Antipolo City, nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ni RPPO Director Senior Supt. Adriano Enong ang nasawing police captain na si Senior Insp. Mark Gil Garcia, hepe ng Special Operation Unit ng RPPO.

Ayon sa report, nagsasagawa ng buy-bust ang grupo ni Garcia sa Sitio Maagay, Barangay Inarawan, Antipolo, pasado 7:00 ng gabi nitong Biyernes malapit sa bahay ng isang William Malana, na hinihinalang drug pusher.

Nakahalata umano ang suspek sa operasyon hanggang sa pagbabarilin nito ang mga pulis, na gumanti ng putok. Patuloy umanong namamaril si Malana habang tumatakas patungo sa kanyang bahay, kasunod ang isang hinihinalang kasabwat niya sa pagtutulak, na hindi nakilala.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Nagawang tugisin ng mga pulis si Malana hanggang sa bahay nito at nagpapatuloy ang bakbakan, na kalaunan ay nabaril at nasawi ang kasama ni Malana.

Sa patuloy na pamamaril ng suspek, nasapol ng bala si Garcia, at makalipas ang ilang segundo ay nabaril din at agad na nasawi si Malana.

Namatay si Garcia habang ginagamot sa ospital.

Narekober sa pinangyarihan ang isang .38 caliber revolver, habang dalawang improvised shotgun at 30 sachet ng hinihinalang shabu naman ang nakumpiska sa bahay ni Malana.

Nabatid na ang nasabing operasyon ay ikalawa lamang ni Garcia, na katatalaga lang sa puwesto noong nakaraang buwan.

Sa una niyang operasyon kontra droga, nagawang maaresto ni Garcia ang anim na hinihinalang tulak, kabilang ang isang sundalo. (MADELYNNE DOMINGUEZ)