Sa pagpapatuloy ng pag-ayuda ng Department of Foreign Affairs (DFA)–Assistance to Nationals (ATN) teams sa mga Pinoy worker na apektado ng pagsasara ng malalaking kumpanya sa Saudi Arabia, naabutan nito ng tulong ang 166 overseas Filipino workers mula sa Mohammad Al-Mojil Group (MMG), 28 sa Mohammad Hameed Al Barghash & Bros. Trading and Construction Co., at 129 naman sa Saudi Oger na nasa Al Khobar.
Ang mga nasabing OFW ay hindi pa nakatatanggap ng kanilang suweldo, allowance at benepisyo mula sa kanilang pinagtatrabahuang kumpanya.
Ipinaliwanag ng DFA-ATN team ang patuloy na mga hakbangin ng Pilipinas at Saudi government upang resolbahin ang mga problemang kinakaharap ng mga OFW sa kanilang employer, kasama na rito ang ginagawang legal na pag-ayuda ng Saudi lawyers sa pagsasaayos sa kanilang claims.
Binisita din ng team ang Saudi Ministry of Labor (MOL) Office sa Dammam upang i-follow-up ang nararapat na tulong para sa mga apektadong OFW, kabilang ang agarang pag-iisyu ng exit visa para sa mga uuwi sa Pilipinas.
(Bella Gamotea)