Isang modernong sports complex na may makabagong teknolohiya at state-of-the-art na pasilidad na nagkakahalaga ng P6 bilyon ang prioridad na programa ng Philippine Sports Commission.
Ayon kay Ramirez, ang ‘future’ training camp ng pambansang atleta at bilang pagtalinga sa adhikain ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mabigyan nang sapat na suporta at ayuda ang Pilipinong atleta na naghahangad na maging world-class.
Sinabi ni Ramirez na tatawaging Philippine Olympic City ang naturang athletes village na itatayo sa dating US base sa Clark Airbase.
Ipinahayag ito ni Ramirez sa isinagawang press conference kung saan pormal na ding nakuha ng apat na commissioner – sina dating PBA star Ramon Fernandez, dating mamamahayag na si Charles Maxey, Engr. Arnold Agustin at Celia Kiram – ang kanilang appointment paper.
Ipinaliwanag ni Ramirez na sa tulong ni Executive Secretary Salvador Medialdea, nakausap ng PSC Board ang presidente ng Bases Conversion Development Authority (BCDA) na si Vince Dizon hinggil sa ninanais na maitayong pasilidad na magsisilbi rin na venue para sa paghohost ng international meet.
Sinabi ni Ramirez na magiging parte sa binubuo ng BCDA na Clark Green City ang binabalak nitong pinakamoderno na sports complex na magsasama-sama sa ninanais nitong buuin na Philippine Sports Institute, Philippine Center for Sports Medicine, Sports Sciences, Talent Identification Program, PSC administration building at athletes village.
“It so happen that the Executive Secretary called us and told us that BCDA is putting up a masterplan for that Clark Green City that aims to attract tourist and investors and they are really interested upon knowing about our proposal to have a national training center for our national athletes,” sabi ni Ramirez.
Ang Clark Green City ay malawak na lupain sa loob mismo ng dating base militar ng Amerikano na may kabuuang 9,450 ektarya. Asam naman ng PSC na maitayo ang Philippine Olympic City sa kabuuang 50 ektarya.
Nakausap din nina Ramirez ang mga Japanese developer ng BCDA kung saan napag-alaman nito na makukumpleto ang modernong sports complex sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon. (Angie Oredo)