Rerebisahin ng Philippine Sports Commission (PSC) ang lahat ng programa ng national sports association, higit sa panuntunan sa pagmintina ng mga pambansang atleta at foreign coaches.

“The President instructed me to take the lead in unifying the Philippine sports,” pahayag ni PSC Chairman William “Butch” Ramirez matapos ang kauna-unahang Board meeting ng ahensiya nitong Biyernes.

Nitong Biyernes lamang lumabas ang appointment paper nina commissioner Mon Fernandez, Engr. Arnold Agustin, dating sports editor Charles Maxey at Celia Kiram. Nakatakda silang manumpa sa Malacañang sa Lunes.

“We are talking here of NSA’s that has dispute while we honor the Philippine Olympic Committee to set directions,” pahayag ni Ramirez. “However, the PSC is mandated to lead, unify and coordinate as the rightful agency under the Office of the President to take care of the sports, the athletes and their directions,” aniya.

Karl Eldrew Yulo, pamilya raw pinakamagandang regalong natanggap

Ipinaliwanag pa ni Ramirez na mayroong supervisory at visitorial power ang ahensiya upang marepaso at malaman ang kinahihinatnan ng sinusuportahan nitong mga NSA’s, atleta at lokal pati na foreign coaches base sa batas na Republic Act 6847.

“Nararapat lamang na malaman ng ating ahensiya kung saan napupunta ang mga pondong ibinibigay natin sa mga NSA’s, sa atleta at kung pantay ba o tama ang natatanggap na suweldo ng isang lokal na coaches kumpara sa kinukuha ng kanilang asosasyon na foreign coach, baka mamaya mas magaling pa ang lokal coach,” pahayag ni Ramirez.

Idinagdag pa ni Ramirez na nakatakda itong magbuo ng mga kinakailangang polisiya sa tulong ng legal department upang matugunan ang mga madalas na inuungkat na isyu ng Senado at Kongreso hinggil sa pagbibigay ng suporta at tulong pinansiyal sa lahat ng mga sports stakeholders. (Angie Oredo)