MATAPOS humingi ng tulong para sa kanyang pagpapagamot, tuluyan nang pumanaw ang tinaguriang Queen of Philippine Horror Movie na si Lilia Cuntapay sa edad na 81.
Sumakabilang-buhay dakong 6:00 ng umaga ang aktres sa tahanan ng kanyang anak na si Gilmore Cuntapay sa Pinili, Ilocos Norte. Ito ay kinumpirma ng kanyang apo na si Elma Cuntapay-Daet sa ABS-CBN.
Naging viral nitong unang bahagi ng Agosto ang video ng kilalang character actress na in-upload sa Facebook page ng Cagayan Provincial Information Office, na humihingi ng tulong pampagamot para sa kanyang lumulubhang karamdaman.
“Sa mga concerned citizens diyan, like yung mga directors ko, mga co-workers ko, wala na ako sa showbiz dahil may sakit ako… Kung mahal ninyo pa ako, any help will be appreciate,” aniya.
Bumuhos ang mga tulong kay Aling Lilia at sa katunayan ay nagpasimula pa ng kampanya ang direktor na si Antoinette Jadaone gamit ang hashtag na #OplanTulunganSiNanayLilia para matugunan ang pangangailangan nito.
Gayunman, hindi na kinaya ng character actress ang kanyang sakit sa spinal cord. Nagsimulang sumakit ang kanyang likod noong Hulyo 5 at tuluyan nang hindi nakatayo simula noon.
Nakilala si Lilia Cuntapay sa kanyang nakakatakot na mga role sa horror movies at palabas sa telebisyon tulad ng Shake, Rattle, and Roll, Wansapanatym, Sa Ngalan ng Ina, Midnight DJ: Kwentas ng Mangkukulam, at Okatokat.
Pinarangalan siya ng Best Actress Award para sa kanyang pagganap sa sariling indie mockumentary na Six Degrees of Separation From Lilia Cuntapay sa 2011 Cinema One Originals Digital Film Festival, na idinirehe ni Antoinette Jadaone. (AIRAMAE A. GUERRERO)